Pinayuko ni Tanamor ang kalabang Indian na si Qamar Mohammad Ali, 21-11, habang hindi umubra si Brin sa Pakistani na si Asqhar Ali Shah makaraang tanggapin ang 31-15 kabiguan.
At tulad ng inaasahan, sinukatan lamang ng China ang all-pro Philippine basketball team matapos lumasap ng 51-92 pagkatalo.
Ngunit hindi dito nagtatapos ang kampanya ng PBA-All star team dahil bagamat natalo sila sa Chinese ay pasok na sila sa crossover semis kung saan posibleng makaharap nila ang host South Korea.
Samantala, nakapasok sa finals ng 400m run si Ernie Candelario makaraang lumusot sa semifinals sa kanyang oras na 46.84 seconds.
Hindi naman naging masuwerte si John Lozada sa 800m run semis nang maorasan lamang ito ng 1:51.09 na malayo sa mga umusad sa finals.
Nagpaputok lamang ng 548 si Nathaniel Tac Padilla sa 25 standard pistol na sapat lamang para sa ika-38th place sa bilang ng 44 lahok. Malayo sa nangunang Thailander na tumira ng 579 na panibagong Asian Games record.
Nabigong umusad sa semifinals si Jennifer Chan makaraang yumuko sa kalabang Tsino na si Juan-juan Zhang, 108-100.
Maganda ang naging panimula ni Chan matapos makarating sa quarterfinals. Una niyang tinudla si Gavhar Rajabova ng Taji-kistan, 159-154 bago isinunod si Yu hui ng China, 153-151.
Magsusumikap naman ang Pinoy archers na mapana ang mailap na ginto sa paglahok nina Marvin Cordero at Christian Cubilla sa mens Olympic round.
Muling aasintahin ng Philippine bowling team ang gold sa mens at womens finals kung saan malaki ang tsansa ni Liza Clutario na pumapangatlo matapos ang first block, habang pang-lima naman si Engelberto Rivera sa mens division. (Ulat ni Dina Marie Villena)