^

PSN Palaro

Pinoy athletes nangangapa pa rin

-
BUSAN, South Korea – Makulimlim pa rin ang kampanya ng bansa ngunit pinasaya ng All-star Philippine basketball team ang milyung-milyong Filipino na naghihintay makaraang malusutan ang Japan, 79-74 sa isang kapanapanabik na laban, habang umusad ang dalawang boksingero sa susunod na round at nagparamdam naman si Efren ‘Bata’ Reyes sa 8-ball singles para pasiglahin ng konti ang araw ng Philippine delegation sa 14th Asian Games dito.

Umusad sa susunod na round si lightflyweight Harry Tanamor makaraang daigin si Kyaw Swar Aung ng Myanmar sa iskor na 25-7 at dinaig naman ni Romeo Brin si Mongolian Bayanmunkh Bayarjagal, 20-16.

Ngunit hindi magiging madali para kina Tanamor at Brin ang daan tungo sa medalya dahil pawang de-kalibre ang mga nakapasok sa katulad niyang event sa pangunguna ng defending Asian Games champion at pang-number 2 sa daigdig na si Phannon Suban ng Thailand sa grupo ni Tanamor, habang nasa division naman ni Brin si Karimzhanov Nurzhan ng Kazakhstan na pinakamagaling sa daigdig sa lightwelterweight class.

Walang awa namang iginupo ni Reyes, tinaguriang ‘The Magician’ ang kalabang Kuwaiti na si Khaled G. Al-Mutairi, 9-1 sa 8-ball singles pre-quarterfinal round upang magbigay pugay sa kanyang paglahok sa event ng billiards competition na ginaganap sa Dongju College gymnasium.

Ngunit hindi naman sinuwerte ang kababayang si Lee Van Corteza na yumuko sa Chinese na si Fu Jianbo, 9-7.

Samantala, kapwa nalunod ang medalyang inaasam-asam nina rower Benjamin Tolentino at Jose Rodriguez nang kapwa pumang-apat la-mang sila sa kani-kanilang event.

Kinapos ng ilang tikada lamang para sa bronze medal si Rodriguez, 7:26.13 sa men’s lightweight single sculls na napunta kay Hiu Fung Law ng Hong Kong, 7:24.05 at ganun din ang naging kapalaran ng kasamang si Tolentino, 8:46.61 sa Pakistani na si Muhammad Akram, 8:40.57 sa men’s singles sculls.

Malungkot pa rin ang senaryo sa fencing event makaraang yumuko ang Pinoy foil at epee’s team.

Hindi natugunan ng Pinoy fencers na sina Rolando Canlas Jr., Ramil Endriano, Emerson Segui ang lakas ng kalabang sina Lau Kwok Kin, Tong Sui Yan at Wong Kau ng Hong Kong upang malasap ang 28-45 kabiguan.

Yumuko naman sina Armando Bernal, Richard Gomez at Avelino Victorino sa de-kalibreng fencers ng Uzbekistan na sina Turdiqulov Shorkdet, Kudaev Ruslan at Bobrushko Roman, 45-35.

Nilamon naman ng swimming pool sina Miguel Molina, Lizza Danila at Luisa Dacanay na pawang hindi nakalusot sa kani-kanilang heat.

Wala ring nagawa ang mga Filipino shooter nang sa qualification series ay sumablay agad ang kanilang mga baril.

Pumuwesto lamang sa 29th si Rasheya Jasmin Luis sa women’s 10m Air rifle sa kanyang pinaputok na 380 na malayo sa Chinese shooter na si Yinghui Zhao (399) na agad binura ang Asian Games record sa qualification series pa lamang.

Habang 19th place lamang ang tinapos ni Emerito Concepcion sa men’s 10m rifle sa kan-yang binaril na 584 malayo sa tatlong nangunang Chinese na pawang nagpaputok ng mga bagong records.

Samantala, baka magkaroon ng liwanag ang kampanya ng bansa sa pagsabak sa aksiyon ng pambatong siklista na si Victor Espiritu sa kanyang karera sa 200km Individual road race kung saan naka-bronze ito noong 1998 Bangkok Asian Games.

Bagamat wala na ang nag-silver na si Japanese Makoto Lijima, naririyan pa rin ang numero uno niyang kalaban na si Wong Kam Po ng Hong Kong.

Ngunit higit na malakas ang magiging karibal nila ni Wong sa katauhan ni Iranian Ghader Mizbani na nakasama niya sa Telekom All-stars sa Tour de Langkawi.

Sisimulan na rin ng Philippine golf team ang pagpalo at paghukay ng medalya sa unang round ng golf competition na gaganapin sa Asiad Gold Club.

ARMANDO BERNAL

ASIAD GOLD CLUB

ASIAN GAMES

AVELINO VICTORINO

BANGKOK ASIAN GAMES

BENJAMIN TOLENTINO

BOBRUSHKO ROMAN

DONGJU COLLEGE

HONG KONG

NGUNIT

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with