Ang lahat ng bagay ay krusiyal sa magaganap na giyera sa pagitan ng defending champion Batang Red Bull at Talk N Text Phone Pals.
Nakatakda ngayong alas-6:30 ng gabi sa Araneta Coliseum ang deciding Game-Seven na siyang tutukoy ng magiging kampeon ng Samsung-PBA Commissioners Cup.
"All PBA fans will be in for a treat on Friday, labu-labo na yan, free-for-all, patayan na," wika ni Red Bull coach Yeng Guiao.
Papasok sa winner-take-all match na ito, mataas ang morale ng Thunder dahil sa kanilang sorpresang 86-78 panalo noong Game-Six na siyang nagtabla ng best-of-seven championship series sa 3-all.
Naghalinhinan la-mang sa panalo ang Phone Pals at Red Bull. Kinuha ng Talk N Text ang Game-1, 3 at 5 habang Game-2, 4 at 6 naman sa Thunder.
Sinayang ng Phone Pals ang pagkakataon na maisukbit ang kanilang unang titulo matapos kumulapso sa ikaapat na quarter kung saan pumu-tok naman si Red Bull import Julius Nwosu na naging susi sa panalo ng Thunder.
Matatandaang noong 1998 Governors Cup, ang unang pagkakataong nagkaroon ng tsansa ang Phone Pals sa titulo, sila ay pinagkaitan ng Shell Velocity na nagkampeon sa 4-3 panalot talo sa kanilang championship series.
Bunga ng nakaraang tagumpay, ang Thunder ang pinapaborang manalo sa sudden-death match na ito.Kailangang maging kalmado ng husto si Talk N Text coach Bill Bayno sa mahalagang larong ito makaraang pagmultahin ito ng PBA Commissioners Office ng halagang P50,000 dahil sa hindi magandang asal.
Ipinatawag kahapon si Bayno upang magpaliwanag sa kanyang hindi magandang inasal pagkatapos ng Game-Six kung saan hindi na ito nakipagkamay sa winning coach at dumiretso sa Commissioners row kung saan naroroon si acting Commissioner Sonny Barrios at Ricky Palou, ang PBA finance and technical director na humantong sa kanilang mainit na sagutan ng huli.