Isang malaking rally ang isinagawa ng Red Bull upang makakawala sa mahigpit na laban na ibinigay ng Talk N Text upang maitabla ang best-of-seven championship series sa 3-all.
Mula sa 72-70 kalamangan ng Phone Pals, pinangunahan ni Julius Nwosu ang mainit na 16-1 run upang ibandera ng Thunder ang 86-73 pangunguna na kanilang naging tuntungan sa kanilang tagumpay.
Maghaharap ang Talk N Text at Thunder para sa deciding Game Seven na gaganapin bukas sa Araneta Coliseum sa alas-6:30 ng gabi upang matukoy kung sino ang tatanghaling kampeon ng ikalawang kumperensiyang ito.
Tumapos si Nwosu ng 28-puntos, 13 rebounds, isang assist at 2 blocks para sa Thunder, habang naging malaking kontribusyon naman sa depensa si Davonn Harp na nagsumite ng 16 puntos, 5 rebounds at 3 assists.
"Julius (Nwosu) step up for us tonight, offensively and defensively," pahayag ni coach Yeng Guiao. "He won the game for us tonight."
Pagkatapos ng laro, imbes na makipagkamay sa winning coach, dumiretso si coach Bill Bayno kay Ricky Palou upang magreklamo na inaasahang maging dahilan upang ipatawag ito ng commissioners office dahil sa kanyang hindi magandang inasal.
Kumayod si Nwosu ng 12 puntos sa ikaapat na quarter, triple ng produksiyon nina Pete Mickael at Jerald Honeycutt na apat na puntos lamang ang kanilang naikunekta.
"Labu-labo nato, free-for-all na ang labanan," ani pa ni Guiao. "If we can carry the momentum from this game, I think we can win the title."(Ulat ni Carmela V. Ochoa)