Isang eksplosibong third quarter run ang ginamit ng Phone Pals upang tagpasin ang pagtatabla sa serye at kunin ang 3-2 kalamangan sa best-of-seven titular showdown at mangangailangan na lamang ng isang panalo upang maagaw ang titulo sa Thunder.
Buhat sa 30-all pagsasara ng first half, umarangkada ang Talk N Text sa ikatlong quarter sa pamamagitan ng 18-4 run na pinangunahan nina Best import Jerald Honeycutt at Pete Mickeal upang umabante ang Phone Pals sa 48-34.
Sa tulong ng bilis at liksi ng mga guwardiyang sina Donbell Belano at Kenny Evans, hindi nakayanang tibagin ng Red Bull ang opensa ng Phone Pals na siyang dahilan para malimitahan ang Thunder sa All-time franchise low na total output na 55 puntos at all-time low final score.
Makaraang matalo sa Game-Four, 89-81, kung saan lumamang ng 22 puntos ang Thunder, gumanti naman ang Talk N Text na umabante sa 69-47 matapos ang isang 14-7 run sa pagtutulungan nina Belano, Evans, Honeycutt at Mickeal.
"Maybe we got them tired for that big come back in Game-Four and probably our conditioning helped us a lot to win this game," pahayag ni Talk N Text coach Bill Bayno. "Tonight we won the battle on boards and quickness, they didnt run the way they ran in the last game."
Matapos magpamalas ng eksplosibong laro sa paghakot ng 22 puntos bagamat kararating lamang nito mula sa US, ngayon naramdaman ni Sean Lampley ang jetlag, kumana lamang ito ng 8-of-21 field goal shooting para sa kanyang tinapos na 17 puntos.
Tumapos naman si Honeycutt ng 23 puntos, 9 rebounds at 7 assists kasunod si Mickeal na may 19 puntos para sa Phone Pals habang malaking kawalan sa Red Bull ang mahinang performance ni Julius Nwosu na nagtala lamang ng 4 puntos.(Ulat ni Carmela V.Ochoa)