Halos batid na ang resulta ng labanan nang maagang kumawala ang Beermen at kanilang iposte ang 23 puntos na kalamangan sa ikatlong quarter ngunit bumangon ang Aces sa ikaapat na canto na naging dahilan ng dikdikang end game.
Isang 16-4 run ang pinangunahan ni import Ajani Williams sa bungad ng ikaapat na quarter upang idikit ang iskor sa 77-78 patungong huling tatlong minuto ng labanan.
Umiskor ng dalawang sunod na tres si San Miguel import Shea Seals upang muling ilayo ang Beermen sa 81-77 ngunit muling nailapit ng Aces ang iskor sa 85-86 matapos ang layup ni Jon Ordonio, 7.8 segundo na lamang ang natitirang oras sa labanan.
Nasira ang momentum ng Alaska nang tawagan ng technical foul si Robert Duat dahil sa hindi ito nagreport sa table officials nang kanyang palitan si Williams gayunpaman, nanatiling may tsansa sila sa panalo nang magmintis si Dwight Lago sa kanyang technical shot.
Humantong naman sa penalty situation ang laro nang ma-foul ni Richie Ticzon si Boybits Victoria na kapwa ipinasok ang bonus shots para sa final score, may 7.5 tikada pa ang nalalabi para naman sa huling posesyon ng Aces.
Ngunit wala ring nangyari sa huling play ng Alaska nang magmintis lamang ang isang triple attempt ni Chris Carrawell na sana ay nagbigay ng pag-asa sa Aces na makahirit ng overtime.
" Medyo relax kasi kami. Naging complacent ng kaunti," pahayag ni interim coach Siot Tanquincen. " Medyo nagkamali rin ako sa pagpasok ng mga players kasi we wanted to give other players to play."
Binuksan ng San Miguel ang laro sa pamamagitan ng 31-19 kala-mangan sa pagsasara ng unang canto na kanilang pinalaki sa ikatlong quarter sa 69-46 matapos ang isang mainit na 11-0 run.
Habang sinusulat ang balitang, kasalukuyang naglalaban ang defending champion Batang Red Bull at Talk N Text Phone Pals sa Game-One ng kanilang best-of-seven titular showdown. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)