Bagamat ang iskor ay 79-60 nang mahinto ang laro, 6:24 ang oras sa ika-apat na quarter, pinili ni Dolphin coach Jimmy Mariano ang pagpo-forfeiture at dahil dito, ang opisyal na iskor ay 20-0 pabor sa SBC Red Lions base sa FIBA international rules na siyang nagbigay sa Bedans ng kanilang unang panalo matapos ang 0-7 sa unang round ng eliminations.
Ang mga nasuspindi ay sina Alwyn Ilagan, Robert Sanz, Al Rinzkhan Dais, Leo Gaspi at Nelson Gatdula sa PCU habang si Earl Morelos lamang ang nasuspindi sa panig naman ng San Beda.
Sina Ilagan, Sanz, Gatdula at Morelos ay pinatawan ng three game suspension habang isang laro lamang ang suspension nina Gaspi at Dais.
Naging mitsa ng bench clearing incident ang sikuhan nina Morelos at Ilagan hanggang sa sumugod na sa court ang mga nasa bench ng magkabilang panig.
"Only those who were directly involved in the fight were suspended," ani Frank Gusi ng San Sebastian, vice chairman ng management committee ng liga.
Magpapatuloy ang aksiyon ngayon sa Makati Coliseum kung saan maghaharap ang defending champion San Sebastian at Mapua sa unang seniors game sa dakong alas-2:00 ng hapon na susundan naman ng laban ng Jose Rizal at Letran sa dakong alas-4:00.
Sa pang-umagang aksiyon sa juniors division, bubuksan ng SSC Staglets at MIT Red Robins sa alas-9:00 ng umaga habang ang JRU Light Bombers at LC Squires ay magsasagupa sa dakong alas-11:00. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)