Solo liderato papanain ng DLSU Archers

Muling solohin ang pangkalahatang pamumuno ang hangad ng defending champion De La Salle University sa kanilang pakikipagharap ngayon sa mapanganib na University of Santo Tomas sa pag-usad ng eliminations ng UAAP men’s basketball tournament sa Rizal Memorial Coliseum.

Ikaapat na sunod na panalo ang asam ng DLSU Green Archers sa kanilang alas-5 ng hapong pakikipagharap sa UST Tigers sa ikalawang seniors game pagkatapos ng engkuwentro ng University of the East at host National University sa ganap na alas-2 ng hapon.

Kasalukuyang kasalo ng La Salle ang kanilang mahigpit na karibal na Ateneo De Manila University sa pamumuno bunga ng kanilang magkatulad na 3-0 record kasunod ang Santo Tomas na may 2-1 kartada.

Huling biktima ng Archers ang NU Bulldogs noong Linggo, 76-72 kung saan nagbida sina Mark Cardona at Dennis Sta. Maria na may 20 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Kumpiyansa naman si UST coach Aric del Rosa-rio sa kanyang koponan lalo na’t nakabalik na sa roster si Cyrus Baguio at ang malaking improvement nina Christian Luanzon, Rene de Guzman at Lago Raterta.

Unang panalo naman ang nais sungkitin ng Nationals sa kanilang pakikipagharap sa UE Warriors sa unang laro, upang makabangon mula sa kanilang tatlong sunod na kabiguan sa gayon ding dami ng laro.

Ang East ay kasama sa four-way tie sa 1-2 win-loss slate kasama ang Far Eastern University, Adamson University at University of the Philippines.

Magiging inspirasyon naman ng Tigers ang kanilang nakaraang 92-75 panalo kontra sa UP Maroons kamakalawa sa kanilang hangaring dungisan ang malinis na katayuan ng Archers. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)

Show comments