Nakasakay na ngayon ang Turbo Chargers sa two-game winning streak matapos buksan ang kanilang kampanya sa PBA Samsung Commissioners Cup sa tatlong sunod na kabiguan.
Kaya naman ikatlong sunod na panalo ang tutumbukin ngayon ng Shell sa kanilang pakikipag-sagupa sa dumadausdos na RP Team Selecta sa kanilang hangaring tuluyang masiguro ang kanilang pananatili sa kanilang trabaho.
Dadako ngayon ang aksiyon sa Caruncho gym sa Pasig City na sisimulan sa dakong alas-7:00 ng gabi kung saan hangad ng RP Squad na isasabak sa nalalapit na Asian Games sa Busan, South Korea, na makabangon sa dalawang sunod na pagkatalo.
Inaasahang mamimintina ng bagong import ng Shell na si George Banks na pumalit kay Sedric Webber ang kanyang magandang debut game o di kaya't higitan pa ito gayundin ang kanyang katandem na si Danny Jackson.
Sa debut game ni Banks sa Turbo Chargers, nagtala ito ng 20-puntos, 14 rebounds kabilang ang 10 sa offensive para sa 78-76 pama-mayani kontra sa Alaska Aces upang masundan ang 82-81 pag-ungos sa defending champion na Batang Red Bull.
Higit sa tagumpay, ang hangad naman ni national coach Jong Uichico na makakita ng 'consistency' sa kanyang koponan na kanyang magiging puhunan sa Busan Games na nakatakdang ganapin sa September 29-October 1. (Ulat ni CVOchoa)