Alitan Sa Sayawan

May namumunong gulo sa dalawa sa tatlong grupo ng nagtataguyod ng ballroom dancing o mas kilalang ‘dance sport’ sa ating bansa. Masalimuot ang mga isyu, kaya’t mabuti pang kilalanin ang mga sangkot,lalo na’t sa dami ng uri ng sayaw marami rin ang organisasyong nangangasiwa rito sa buong mundo.

Ang International Dance Sport Federation (IDSF) ang siyang namamahala sa mga atletang nakikipagpaligsahan sa Latin at Standard na estilo. Ito ang grupong nangangampanya na maging Olympic sport ang ballroom dancing. Pitumpu’t siyam ang miyembro nito, kabilang ang Dance Sports Council of the Philippines (DSCP). Ang DSCP ang siyang kinatawan ng IDSF dito sa Pilipinas, at may karapatang mamili ng mga representante ng bansa sa mga kumpetisyon. Ito ang grupo ng mga amateur na mananayaw o ang mga nalilibang lamang sa pagsasayaw.

Samantala, ang World Dance and Dance Sport Council (WD & DSC) naman ang world governing body para sa professional at amateur ballroom dancing, modern ballroom standard at Latin American na rin, kabilang ang Show Dance at South American. Miyembro nito ang Professional Dance Teachers Association (PDTA) dito sa Pilipinas.

Ang PDTA ay may karapatang mag-isyu ng sertipikasyon para sa mga nais magturo ng ballroom sa ating bansa. Sakop nito ang mga professional o mga kilala nating D.I. o dance instructor. Maging ang mga nangangailangan ng lisensiya sa pagturo ay saklaw ng PDTA.

Sa kabilang dako, ang International Dance Organization (IDO) ay ang namumuno sa lahat ng estilo ng dance sport na hindi sakop ng WD & DSC, bagamat affiliate din ang IDO nito. Kabilang sa pinamamahalaan ng IDO ay ang Performing Arts na ballet, jazz dance, tap dance, theater arts exhibition showcase, dance show at mga national folk dances. Kasama rin ang mga sayaw kalye tulad ng hip hop, break dance, disco at iba pa.

Ang kinatawan ng IDO dito ay ang Philippine Professional Dance Sports Association (PPDSA), na nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan sa PDTA na kapwa propesyonal. Kung ano ang siyang mga tungkulin ng PDTA para sa WD & DSC,siya namang ginagampanan ng PPDSA para sa IDO.

Tila ang nangyayari ay nagkakahilahan ang mga namu-muno sa dalawang grupo, at kapwa nagpapatibay ng mga kaalyado. Ang madalas naiipit dito ay ang mga amateur na nagiging libangan lamang ang pagsasayaw, at ang mga professional na nagnanasa lamang na humusay sa kanilang hanapbuhay, o makasali sa mga paligsahan sa ibang bansa.

Abangan ang susunod na kabanata.

Show comments