Humataw sa second half ang Tigers at pinigilan ang ilang beses na pagtatangkang bumangon ng Turbo Chargers upang masundan ang kanilang impresibong 110-82 debut laban sa FedEx Express.
Muling bumandera si import Ron Hale na umiskor ng double figures sa tatlong huling quarters para sa kanyang kabuuang 35 puntos habang sumuporta naman ang kanyang partner na si Bryant Basemoore ng 13 puntos at 12 naman kay William Antonio na na-nguna sa mga locals.
"Shell always gives us problems in the past. They dont have a dominant big man but they have five players on the court of the same mold," pahayag ni coach Chot Reyes ng Coke.
Bumawi naman si Shell import Cedric Webber sa kanyang mahinang performance sa unang laro ng Turbo Chargers sa paghakot nito ng 35-puntos.
Umabante ang Tigers sa 12-puntos sa ikaapat na quarter, 68-56 nang magtangkang umahon ang Turbo Chargers na nakalapit sa 4-puntos.
Ngunit kinumpleto ni Hale ang isang three-point play na naglagay sa Tigers sa 11 puntos na pangunguna at tuluyan nang nadiskaril ang Shell bunga ng maagang pagkaka-fouled-out ni Askia Jones, 4:09 pa ang oras sa laro.
Sa ikalawang laro, nalasap ng FedEx Express ang kanilang ikalawang sunod na pagkatalo matapos na igupo ng Talk N Text, 96-90.
Samantala, magpapatuloy ang aksiyon sa Araneta Coliseum kung saan maglalaban ang Batang Red Bull at Alaska na susundan ng engkuwentro ng San Miguel at RP-Selecta.
Parehong ikalawang sunod na panalo ang tangka ng Thunder at Aces habang makabawi naman sa pagkatalo sa kanilang unang laro ang pakay ng Beermen at Nationals.
Ipaparada ngayon ng San Miguel si Ex-Seattle SuperSonic Art Long kapalit ng mahinang si Jermaine Tate. Si Long ay naunang nakatakdang maglaro para sa Express. (Ulat ni Carmela V.Ochoa)