FedEx Express Tour ng Calabarzon pepedal na ngayon

Ngayon na ang araw sa paghawi ng telon para sa kickoff event ng annual cycling tour kung saan sisikad na ang FedEx Express Tour of Calabarzon ngayong alas-8 ng umaga sa Quirino Grandstand sa Luneta at walang iba kundi si Interior and Local Government secretary Joey Lina ang siyang magpapaputok ng starting gun.

Mayroong 60 siklista na kakatawan sa 10 iba’t ibang rehiyon na babanderahan ng national team members na pinaghiwahiwalay sa pamamagitan ng dispersal draft ang maglalaban-laban para sa karangalan at tumataginting na P1 milyong premyo.

Inimbitahan bilang panauhin sa flag-off sina Manila Mayor Lito Atienza at Philippine Sports Commission chairman Eric Buhain, na aasiste sa pagpapaputok ng baril.

Inaasahan ang mga traditional heavyweights na Pangasinan, Nueva Vizcaya at Southern Tagalog dodomina sa apat na araw na event na suportado rin ng Accel, Rain Forest, Gatorade at Public Estates Authority.

Ang Southern Tagalog ay pangungunahan ni Renato Dolosa na nanalo ng dalawang Tour titles bago ang nasabing annual cycling Tour ay nawala sa eksena dahil sa realignment ng corprate policies ng kanilang chief sponsors.

Tatayong mentor naman ng Nueva Vizcaya ang back-to-back Tour champion na si Carlo Guieb.

Higit pang napalakas ng Team Mindanao ang kanilang tropa matapos na makuha ang No. 1 pick na si Warren Davadilla, na kasalukuyang top-ranked national cyclist ng bansa kasama si Victor Espiritu.

Ang unang yugto ay isang 168.5-kilometrong karera na susubok sa lakas ng mga siklista na magwawakas sa Ba-tangas City.

Tatanggap ang top team event ng P200,0000, habang ang individual top finishers ay pagkakalooban ng P50,000.

Show comments