Naghahanda para sa Commissioners Cup

KUNG sino ang nagpahirap sa Sta. Lucia Realty noong 2000 Commissioners Cup, iyon ang inaasahan ni coach Norman Black na makatulong sa Realtors sa kanilang kampanya sa 2002 Commissioners Cup.

Oo, malaki ang posibilidad na makuha ng Sta. Lucia Realty si Stephen Howard, ang import ng San Miguel Beer sa Commissioners Cup dalawang taon na ang nakalilipas.

Magugunitang sa 2000 Commissioner’s Cup ay nakarating sa Finals sa kauna-unahang pagkakataon ang Realtors subalit dinaig sila ng Beermen, 4-1 at sumegunda lang sila sa torneong iyon. Malaking pahirap din ang ibinigay sa kanila ni Howard at kahit si Ansu Sesay ng Sta. Lucia ang nahirang na Best Import ng conference na iyon ay nagkulang pa rin siya sa Finals.

Puwes, kinuhang muli ng Realtors si Sesay para sa Commissioner’s Cup noong isang taon subalit nagluko naman ito at pinalitan ni Damien Owens. Dapat sana’y pababalikin ng Sta. Lucia si Owens para sa katatapos na Samsung-PBA Governors Cup subalit hindi ito naging available.

Puwes, baka magbalik si Owens sa Commissioners Cup na magbubukas sa June 16. Ang magandang balita ay baka makatambal nga niya si Howard!

Matinding tambalan iyan kung saka-sakali. Isang mahusay na interior player si Howard at isang mabilis na slasher naman si Owens. At kahit na maliit ang dalawang ito at hindi pa aabot sa 13 feet six inches na height limit na itinakda ng PBA para sa second conference ay palaban na sina Howard at Owens.

Ang 6-8 na si Howard ay naglaro sa Utah Jazz na umabot sa NBA Finals kontra Chicago Bulls limang taon na ang nakalilipas. Siya ay produkto ng De Paul University noong 1992. Hindi siya napili ng kahit na anong ballclub sa NBA Draft at sa halip ay kinuha siya ng Rapid City sa second round (19th overall) ng 1992 CBA Draft.

Naglaro siya sa Italy para sa Pallacanestro Trapani sa 1993-94 season at pagkatapos ay lumipat sa Olimpia Basket Pistoria sa 1994-95 season. Noong 1995-96 ay kinuha siya ng PSC Racing Paris sa France. Nagbalik siya sa Estados Unidos sa sumunod na taon at naglaro sa Oklahoma City sa CBA kung saan nag-average siya ng 25.6 puntos at 9.5 rebounds sa 15 games.

Dahil dito’y kinuha siya ng San Antonio Spurs at pumirma siya ng short-term contract. Subalit tumagal lang siya ng pitong laro at pagkatapos ay hindi na pinapirmang muli ng Spurs.

Nakaganda naman ito sapagkat kinuha siya ng Jazz at pinapirma ng kontrata hanggang sa katapusan ng season. Noong 1997-98 ay naglaro siya ng 13 games sa Seattle Supersonics.

Ang 32-taong gulang na si Howard ay naglaro rin sa AC Apollon Patron sa Greece; CB Malaga at Gijon Baloncesto sa Spain; Efes Pilsen Istanbul sa Turkey; at ALM Evreux sa French Pro A League.

Siyempre, umaasa si Black na kung ano ang ginawa ni Howard sa San Miguel sa 2000 Commissioners Cup ay magagawa din niya sa Sta. Lucia Realty sa taong ito!

Kaya?

Show comments