Titulo idedepensa ni Pacquiao bilang undercard ng Tyson-Lewis bout

WASHINGTON – Nakatakdang idepensa ni International Boxing Federation world super-bantamweight champion Manny Pacquiao ng Philippines ang kanyang korona sa unbdercard ng Lennox-Lewis-Mike Tyson bout.

Makakaharap ni Pacquiao taglay ang ring record na 33-2 na may isang draw si Jorge Eliecer Julio ng Colombia sa Hunyo 8 sa Memphis, Tennessee.

Ang huling laban ni Pacquiao ay ang sixth-round technical draw noong nakaraang November kontra Dominican Republic fighter Agapito Sanchez.

Si Julio ang No. 13 sa ratings at dati ring WBA at WBO champion na may impresibong ring record na 44-3-2 win-loss slate na may 32 knockouts.

Nalasap ng 33-anyos na si Julio ang kanyang tatlong kabiguan sa mga kamay nina Johnny Tapia, Adan Vargas at Junior Jones, na dati ring mga kampeon.

Nauna rito, naiulat na isang non-title fight ang inaayos para kay Pac-quiao sa bansa sa darating na Hunyo 29, subalit hindi muna ito matutuloy dahil sa kanyang itinakdang laban sa Amerika.

Sina Pacquiao at Julio ay maghaharap sa isang 12-round bout na idaraos sa Pyramid Arena at magsisilbing unang title defense ni Pacquiao mula ng maagaw niya ang IBF crown kay Ledwaba ng South Africa noong Hunyo 24 sa Las Vegas, Nevada.

Show comments