Cone muling mangangapa

Hindi na bago si Tim Cone sa sitwasyong ito dahil maraming beses na siyang nalagay dito.

Ngunit sa pagkakataong ito, parang bago ang lahat sa kanya.

"It’s not that long but it seems like a long long time ago," wika ng Alaska mentor na si Cone, isang araw pagkatapos ng 65-62 panalo ng Aces sa Game Five ng semifinal series kontra sa San Miguel Beer upang makuha ang karapatang harapin ang Purefoods sa Samsung-PBA Governors Cup finals.

Sa katunayan, dalawang taon pa lamang ang nakakaraan nang puma-sok sa championships ang Alaska ngunit ang kanilang paglalakbay patungo sa best-of-seven titular series ay nakakapagod at tila maraming taon ang lumipas sa maigsing panahon.

Sa naturang nagdaan na panahon, unti-unting nabuwag ang koponang tinaguriang team of the 90s, dahil sa isa-isang pagkawala nina Jojo Lastimosa, Johnny Abarrientos, Edward Juinio at Bong Hawkins at kinailangan ng Aces ng rebuilding process.

Dalawang player na lamang ang natitira mula sa dating kinatatakutang koponan ng Alaska - sina Kenneth Duremdes na ipinahiram ng Alaska sa National team na sasabak sa Busan Asian Games, at si Lastimosa na nagbalik sa koponan ng Aces nitong kasalukuyang taon lamang.

Kung babalikan ang pinagdaanan ng Alaska, sa pakiramdam ni Cone, napakabilis ng pagtuntong ng 2002 edition sa Aces.

"When we set out to rebuild from the last championship run in 2000, we knew it wont be easy," ani Cone. "But this will get us off to a good start. It will also be good for our young guys who’ll get a feel of how it is to be in the finals, learn from the experience and mature."

Show comments