Pumabor ang ihip ng hangin sa Purefoods nang magmintis si Tigers import Rossell Ellis sa huling play ng Coca-Cola habang alisto namang kinuha ni TJ Hotdogs import Derick Brown ang rebound upang maiselyo ang tagumpay.
Tinapos ng TJ Hot-dogs ang best-of-five semis series sa 3-2 matapos makabangon sa dalawang sunod na kabiguan na nagresulta ng deciding Game Five na ito at hihintayin na lamang nila ang makakalaban sa best-of-seven titular showdown na magsisimula sa Linggo sa Araneta Coliseum.
Kasalukuyang naglalaban ang Alaska Aces at San Miguel Beer ng kanilang sariling sudden death match habang sinusulat ang balitang ito upang matukoy kung sino ang ookupa ng ikalawa at huling finals slot.
Taglay ang 74-71 pangunguna, nalagay sa alanganin ang TJ Hotdogs nang umiskor ng triple si Ato Morano para sa kanyang career-high 22 puntos na naglapit sa Tigers sa 75-76, 10.5 segundo ang oras sa laro.
Ngunit agad namang nakahugot ng foul si Ronnie Magsanoc mula kay Johnny Abarrientos at ikinunekta nito ang kanyang dalawang free throws upang iposte ang final score, may 9.5 segundo ang nalalabing oras sa posesyon ng Coca-Cola na nasayang lamang.
Laking pasasalamat ni interim coach Ryan Gregorio kina Kerby Raymundo na tumapos ng 18-puntos upang umasiste kay Brown na nagtala ng 30-puntos matapos malimitahan ng 6-puntos lamang si Kelvin Price, gayundin kay Alvin Patrimonio na sa kauna-unahang pagkakataon ay nabokya sa kanyang paglalarong may iniindang ankle injury.(Carmela V. Ochoa)