Ang Adamson Falcons ay nakilala na bilang talunang koponan. Hindi pa sila nananalo sa huling 28 laban. Sa ikalawang sunod na taon, labing-isa ang rookie nila. Subalit, sa panig ni coach Luigi Trillo, hindi naman nila dinidibdib masyado ang kanilang bokyang record.
"Nong pumasok ako, napansin kong bawat dalawang taon, nagpapalit ng coach kahit maganda ang record ng team," bungad ng assistant coach ng Alaska Aces. "Sabi ko, mas malalakas talaga ang mga ibang team. Dapat, pasensiya lang muna."
Mula nang upuan ni Trillo ang Adamson, sunod-sunod ang kanilang pagkatalo, pero palagi namang lumalaban ang kanyang mga bata. Subalit hindi ba siya nababagot sa haba ng panahon nilang makatala ng panalo?
"Bawat laro, may natututunan kami. At nakikita ko naman na maganda ang samahan ng mga player. Talagang napakasipag ng mga bata," pagpapatuloy ni Trillo. "Tanggap na naming hindi sa amin mapupunta ang pinakamalakas na player. Kaya kami nagsisikap. Sa tingin ko, lumabas na ang karakter ng team. Pag nanalo na kami ng isa, lalong gaganda ang karakter nila."
Sa panig ng Falcons, hindi naman sila natatalo ng malalaking puntos. Isa sa mga dahilan kung bakit sila kinakapos ay ang kakulangan ng mga beterano sa kanilang team. Sa pananaw ng mga player, konting pagpapahinog pa, may matitisod na silang panalo.
"Pinagdarasal ko talaga na manalo na kami, para sa mga bata," lahad niya."Ako na siguro ang numero unong cheerleader nila kapag nangyari iyon. Nakikita ko kung paano sila magtrabaho. At para na rin kaming isang pamilya. Gusto naming magtagumpay ng sabay-sabay."
Marahil, sa taong ito, nais lamang ng Adamson na mabaon sa limot ang mga masasakit na pagkatalo ng nakaraan. Kung tunay silang magkakaisat maniniwala sa isat isa, maituturing na ring isang tagumpay iyon na hindi nakatala sa mga record book.