Harp, Abarrientos nag-back-out

Umatras ang Fil-Am na si Davonn Harp at ang beteranong si Johnny Abarrientos sa final 15 players na napili ni National coach Jong Uichico para bumuo ng Pambansang koponan na isasabak sa Asian Games sa Busan, South Korea sa darating na September.

Ang kalusugan ni Abarrientos ang kanyang ibinigay na dahilan ha-bang personal na kadahilanan naman ang ibinigay ni Harp na isa sa naging consistent sa Candidates Pool.

"We were saddened by the withdrawals because we knew both players would be a big help to the country. But it was their decision and we respect it. Johnny wasn’t sure he’s be a hundred percent in the next few months while Davonn told me he was surrendering his slot to other deserving candidates for personal reasons," ani Uichico.

Isang malaking sorpresa ang pag-atras ni Harp na nasangkot sa isang sexual harrassment laban sa isang radio reporter habang ang injury naman sa tuhod ang nag-udyok kay Abarrientos para umatras sa National team.

Tulad ng inaasahan, kasama sa RP Team sina Asi Taulava, Erik Menk, Dennis Espino, Kenneth Duremdes, Olsen Racela, Andy Seigle, Rudy Hatfield, Chris Jackson, Danny Seigle, Danny Ildefonso, Dondon Hontiveros, Jeffrey Cariaso, Noy Castillo, Boyet Fernandez at Mick Pennisi.

Si Pennisi at Fernandez ang pumalit kina Harp at Abarrientos.

Bagamat isang malaking isyu ang pagpipilit ni Uichico na isama sa line-up si Castillo na hindi nakalaro sa try-outs ng dalawang Candidates pool sa Samsung-PBA Governors Cup, ay pinanindigan ito ng National coach.

"I said before that my decision could be popular or unpopular when it comes to Noy. I really believe that he can be of great help to the country’s quest to win the gold medal so the coaching staff decided to give him a shot at the National team," paliwanag ni Uichico.

Ang 15-players ang kakatawan ng Selecta team na sasabak sa PBA Commissioners Cup para sa kanilang masusing preparasyon sa Busan Games kung saan tatlo dito ay magiging reserve players.

Sa mga hindi napili, tanging sina Abarrientos at Rafi Reavis ng Coca-Cola, Chris Calaguio ng Shell, Patrick Fran ng Talk ‘N Text at Renren Ritualo ng FedEx ang maaaring bumalik at maglaro para sa kanilang mother teams.

Ang mga naunang napiling 17-players para sa Candidates pool ay hindi makakabalik sa kanilang mother teams sa Governors Cup ayon sa league rules ngunit sina Abarrientos, Reavis, Calaguio, Fran at Ritualo ay kusang ipinahiram ng kani-kanilang koponan.

Show comments