Hindi binigyan ng pagkakataon ni Tanamor si Cristobal Salgado nang sa simula pa lamang ng kanilang maikling quarterfinal bout ay agad niya itong pinaulanan ng suntok upang irehistro ang referee-stopped-contest (Outclassed) sa 50 segundo ng second round ng kanilang flyweight bout sa malamig na Helsinki Sports Hall.
Ang kanyang panalo ang tila naglapit sa kanya para makamit ang kanyang ikalawang gintong medalya matapos ang kanyang panalo sa lightflyweight division sa Chowdry Cup noong nakaraang taon sa Azerbaijan at nagbigay rin ng inspirasyon sa dalawa pang fighters--sina featherweight Roel Laguna at lightwelterweight Romeo Brin na maipanalo ang kani-kanilang quarterfinal bouts sa impresibo ring tagumpay.
Dinomina ni Laguna ang Hungarian entry na si Gyorgy Farkas, 27-14, habang winalis ng 28-anyos na siyang pinakamatanda sa grupo na si Brin ang isa pa ring Hungarian na si Robert Maczic, 16-10 upang iseguro sa bansa ang hindi bababa sa limang bronze medals sa tatlong-araw na tournament na ito na nilahukan ng 12-bansa.
Ang dalawang nauna ng semifinalists ay sina flyweight Violito Payla at lightweight Anthony Igusquiza na nakakuha ng byes sa quarterfinals.
Ang nasabing bronze medals ay posibleng mauwi sa silver o gold kung saan umaasa ang Filipinos na makapagbibigay ng magandang laban sa semifinals sa Sabado at sa finals sa Linggo.
Tanging ang fighters na nabigo ay si Vincent Palicte na yumukod kay At-Hit Thiangtong ng host country, 11-12.