Ginebra, buhay pa ang pag-asa

Rumesponde si import Bryan Green sa pangangailangan ng Barangay Ginebra na maipanalo ang mga natitirang asignatura nang humataw ito sa ikaapat na quarter at ihatid ang Gin Kings sa 75-69 panalo kontra sa RP Team-Hapee sa pagpapatuloy ng eliminations ng Samsung-PBA Governors Cup sa Phil-Sports Arena kahapon.

Humakot si Green ng 13 sa kanyang tinapos na 21 puntos sa ikaapat na quarter upang ipagkaloob sa Ginebra ang ikalawang panalo sa siyam na pakikipaglaban na nagbigay buhay sa kanilang hangarin na magkapag-asa sa eight-team quarterfinal round.

Pinangunahan ni Green ang 16-7 run upang makakalas ang Gin Kings sa 54-all at ibandera ang 70-61 kalamangan mula sa basket ni Vergel Meneses, 1:44 na lamang ang nalalabing oras sa laro na kanilang pinangalagaan hanggang sa matapos ang labanan.

Nalasap naman ng RP-Hapee ang kanilang ikalimang pagkatalo sa siyam na pakikipaglaban at dahil dito, kailangan nilang ipanalo ang dalawang huling laro kontra sa FedEx Express at San Miguel Beer upang makasulong sa susunod na round ng walang problema.

Kailangan na lamang ipanalo ng Ginebra ang laban kontra sa Batang Red Bull at RP-Selecta at umasang may makatabla sa 4-7 sa ikawalong puwesto para makahirit ng playoff para sa huling slot ng quarterfinals. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments