Tuloy ang rigodon ng Imports

Magastos na masyado ang nangyayari sa mga regular teams na kalahok sa Samsung-PBA Governors Cup dahil sa pagpapalit nila ng imports.

Sa Martes ay magpupugay ang isang bagong import para sa Alaska Aces sa katauhan ni James Head na humalili kay Muntrelle Dobbins. At sa Huwebes ay magbabalik sa line-up ng Batang Red Bull si Antonio Lang kapalit naman ni Julius Nwosu.

Si Dobbins ay pinauwi dahil sa hindi naging maganda ang mga numero nito. Sa pitong laro, si Dobbins ay nag-average ng 12.43 puntos, 10.57 rebounds, 1.71 assists, 0.86 steal, 0.86 blocked shot at 2.14 errors. Kumbaga’y hindi naging threat si Dobbins sa kalaban. Ayon nga sa isang coach, mas maganda pa nga kung naglalaro si Dobbins at hindi nakaupo sa bench. Parang kulang daw ng isang player ang Alaska Aces!

Si Nwosu ay okay naman dahil sa nag-average ito ng 15.67 puntos, 13.33 rebounds, 1.67 assists, 0.33 steal, tatlong blocked shots at tatlong errors. Subalit nagtamo ito ng injury kung kaya’t nagpasya si coach Joseller ‘Yeng’ Guiao na kuning muli si Lang na nakatulong sa kanila na magkampeon sa Commissioners Cup noong isang taon.

Bale naka-tigatlong imports na ang Alaska Aces at Batang Red Bull. Makakatuwang ni Head si Ron Riley at makakasama ni Lang si Joseph Bunn.

Isa pang koponang sinasabing magpapalit ulit ng import ay ang Shell Velocity. Magugunitang pinauwi ng Turbochargers si Derek Grimm dahil sa may kapansanan ito sa spine at kinuha si Bo Willingham upang siyang maging partner ni Askia Jones.

Pero tila napasama pa ang pagpapalit na nangyari. Mas masama ang mga numero ni Willingham kaysa kay Grimm. Sa tatlong laro, si Willingham ay nag-average ng 11.33 puntos, 10 rebounds, 2.33 assists, 0.33 steal 0.33 blocked shot at 3.33 errors. Si Grimm ay may average na 13.67 puntos, 11.67 rebounds, dalawang assists, 0.3 steal, isang blocked shot at 1.3 errors.

Umaasa na lamang si coach Perry Ronquillo na magi-improve si Willingham bagamat nagtungo sa Estados Unidos ang kanyang mga assistant coaches na sina Joey Guanio at Jiggs Mendoza noong Marso 22 upang siyang humanap ng import. Kung hindi man aabot para sa kasalukuyang conference ang import na makukuha ng mga ito, malamang na gamitin na lang nila ang makikitang kapalit bilang import sa second conference.

Kumbaga’y ngayon pa lang ay nais nang paghandaan ng Shell Velocity ang second conference sakaling malasin na sila nang todo-todo sa Governors Cup at hindi makarating sa quarterfinals. At least, maaga nilang mapaghahandaan ang susunod na torneo at maaga nilang makikilala ang kanilang magiging import.

Sa kasalukuyan, tanging ang Purefoods Tender Juicy Hotdogs, at Talk ‘N Text Phone Pals ang hindi pa nagpapalit ng imports. At mukhang hindi na nila gagawin pa iyon dahil sa nangunguna sila sa elimination round. Masuwerte sila!

Sa tutoo lang, magastos talaga ang kasalukuyang conference dahil sa doble ang binabayaran ng mga koponan sa kanilang mga imports. Pero ito’y bahagi ng kanilang kontribusyon sa paghahanda ng Philippine Team para sa Busan Asian Games.

Show comments