Bagamat nakabangon ang Gin Kings mula sa 14-puntos na pagkakahuli at makalapit ng hanggang apat na puntos sa huling bahagi ng labanan, iniligtas ni import Ron Hale ang Tigers sa huling maiinit na segundo ng labanan upang ilista ang ikaapat na panalo sa 6-laro na nagluklok sa kanila sa solong ikalawang puwesto.
Malungkot ang pagbabalik aksiyon ni Jun Limpot na tumapos ng 10 puntos matapos malasap ng Ginebra ang ikaapat na pagkatalo sa 5-laro at maging sanhi ng kanilang pakikisalo sa pangungulelat sa RP Team-Selecta.
Nag-init si import Ron Hale sa ikat-long quarter nang humakot ito ng 10-puntos sa kanyang tinapos na 28 upang ihatid ang Coke sa 72-58 pangunguna sa pagtatapos ng naturang yugto.
Ito ang kanilang naging puhunan sa final canto kung saan nagpumiglas ang Gin Kings na nakalapit sa 74-78 pa-tungo sa huling 1:30 oras ng labanan nang pangunahan ni Mark Caguioa ang 16-6 run katulong si import Desmond Ferguson.
Sa ikalawang laro, binigyan ng Hapee-RP ng matinding hamon ang Batang Red Bull bago tuluyang tumiklop ang National Candidates, 82-90 sa overtime game.
Nagtala ng 28 puntos si Joseph Bunn para sa Red Bull.
Samantala, ikaapat na panalo sa ikalimang pakikipaglaban ang puntirya ng Alaska Aces sa kanilang pakikipagharap sa bagitong koponan ng FedEx sa alas-3:45 ng hapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Ynares Center.
Matapos matikman ang unang tagumpay makaraang malasap ang tatlong sunod na kabiguan, nais ng Beermen na ipagpatuloy ang kanilang pagbangon sa kanilang pakikipagharap sa Shell Velocity sa ikalawang laro, dakong alas-5:45 ng hapon.
Inaasahang masisilayan na si Nontambu Wellington, pumalit kay Derrick Grimm matapos pigilang makapaglaro sa nakaraang laban ng Shell dahil wala pa itong lisensiya mula sa Games and Amusement Board.