10 man RP boxing team padadala sa 2 international competition

Naghahanda na ang Amateur Boxing Association of the Philippines nang kanilang pagbangon mula sa nakakadismayang performance sa nakaraang Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, sa kanilang paghahanda para naman sa nalalapit na Busan Asian Games sa Korea sa pamamagitan ng paglahok sa dalawang international world-ranking tournament sa katapusan ng buwan.

Magpapadala ang ABAP ng 10-man team sa Grand Prix International Boxing Championships sa Usti Nad Labem, Czech Republic at Chemistry Cup sa Halle, Germany.

Sinabi ni ABAP president Manny Lopez na ang partisipasyon sa dalawang highly competitive tournament na ito ay isa sa delikadong bahagi ng Team Philippines program para sa Asiad at bahagi rin ng long-range training program ng asosasyon na nagsimula noong nakaraang taon.

Sa kasalukuyan, kabilang na si lightwelterweight Romeo Brin bilang miyembro ng 10-man squad habang ang slots sa ibang weight division ay pinaglalabanan pa ng 10 iba pang miyembro ng national training pool.

Ang mga naghahangad ng upuan ay sina light flyweight Harry Tanamor at Lhyven Salazar habang sina Violito Payla at Rene Villaluz at Vincent Palicte at Arlan Lerio naman sa flyweight at bantamweight division ayon sa pagkakasunod; Roel Laguna at Genebert Basadre sa featherweight class, habang sina Anthony Igusquisa at Larry Semillano naman ang naglalaban para sa lightweight division.

Ang Grand Prix tournament ay nakatakda sa Pebrero 28 hanggang Marso 4 habang ang Chemistry Cup ay naka-takda sa Marso 5-10.

Show comments