Dumating si Bernardino sa Moro Lorenzo Gym sa Ateneo kahapon ng alas-9:30 ng umaga at inihayag sa mga players na naroroon at mga deputy coaches na namamahala ng tryouts na sina Jong Uichico ng San Miguel, Eric Altamirano ng Purefoods at Allan Caidic ng Barangay Ginebra na pansamantalang sususpindihin ang pool.
"After receiving a medical bulletin from the doctors attending to Mr. Ron Jacobs, we deemed it best to temporarily discontinue preparations for the Asian Games pending the appointment of a new coach," ani Bernardino.
"Though progressing by the day, the condition of coach Ron offers no definite timeable as to his return, hence, the suspension of his (tryout) program."
"We count on all our fans to continue praying for the recovery of Mr. Jacobs and we thank all those players who showed up and expressed willingness to play for flag and country in the Asian Games." pagwawakas ni Bernardino.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, kayat nagdesisyon si Bernardino na palitan si Jacobs ay dahil nasa comatose condition ito.
Idinagdag ng source na hindi pa ito nakakakilos taliwas sa mga naunang balitang nakakagalaw na ito.
Sa katunayan ay hindi pa ito nagagalaw sa kanyang kinararatayan para isagawa ang ilang serye ng pagsusuri.
Ang paggalaw ng mga kamay ni Jacobs ay karaniwan lamang sa mga pasyenteng nasa comatose condition.
Pagkatapos pagsabihan ang mga players at deputy coaches, nagtuloy si Bernardino sa ShangriLa Hotel sa Mandaluyong upang dumalo sa meeting ng PBA Board of Governors upang talakayin ang kalagayan ng Philippine team.
Kabilang din sa pinag-usapan ay ang pagpapalit kay Jacobs bilang national coach at ang planong isama ang dalawang teams na binubuo ng mga aspirante para sa National pool sa unang conference ay inalis na rin.
Sa iba pang balita, mananatili namang coach si Derrick Pumaren sa bagitong koponan na FedEx.
Tatapusin ni Pumaren ang kanyang natitirang dalawang taon sa kanyang P7.2 milyong kontrata sa Tanduay Gold Rhum na nagbenta ng kanilang prangkisa sa FedEx.
Sa iba pang balita, nakikinikinita na ang pagbabalik sa PBA nina Paul Alvarez at Vince Hizon.
Malaki ang posibilidad na kunin din ng FedEx ang serbisyo ni Bong Alvarez para sa kanilang maiden season sa PBA.
May balita ring apat na araw nang nag-eensayo si Hizon sa poder ng last year Commissioners Cup champion na Batang Red Bull.
Sinimulan na rin ni Coca-Cola Tigers coach Chot Reyes ang pagbuo ng kanyang koponan.
Ipinatawag ni Reyes sina Poch Juinio, William Antonio at Chris Bolado para pumirma ng kanilang kontrata.
May balita ring patuloy sa paghahanap ang Talk N Text ng kanilang mapa-pagpasahan kay Victor Pablo. (Ulat ni Carmela Ochoa)