Ang mga pararangalan kasabay ng tradisyunal na Awards Night ay sina dating Philippine Olympic Committee president Nereo C. Andolong, PBA players Alfie Almario at Larry Mumar, national coaches Valentin "Toto" Eduque at Felicissimo "Fely" Fajardo, Philippine Football Federation secretary general Chris Monfort, Asian sprint queen Inocencia Solis at boxing promoter Armando Besa.
Tatanggap rin si Romy Kintanar, TV sports commentator at broadcaster at sports columnist ng posthumous award dahil sa kanyang kahusayan sa sports broadcasting at pagsusulat.
Inimbitahan ang Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na maging panauhing pandangal at tagapagsalita sa awards rites ng pinakamatandang news organization ng bansa na itinatag noong 1949.
Ang naturang Awards Night ay iho-host nina sportscasters Noli Eala at Chiqui Roa-Puno. Ito ay sponsored ng Photokina Marketing at suportado ng Philippine Sports Commission.
Si Andolong na naging chairman-general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office at pangulo ng National Press Club ay reporter ng Manila Chronicle na nanalo ng NPC-Stanvac journalism award noong 1958.
Kanya ring pinangunahan ang national sports association bago naging pangulo ng POC. Siya ay all-around sportsman, mahusay sa golf, tennis, pistol-shooting, bowling, water skiing, sky diving at scuba-diving. At makaraan ang kanyang pagreretiro, dalawang dekada na ang nakalilipas, nanatili siyang golf enthusiast at sport lover.
Si Almario ay naging miyembro ng San Miguel Beer team sa nakalipas na limang taon hanggang sa siya ay magretiro, naging bahagi rin siya ng national youth team na nanalo ng Asian youth championships noong 1982.
Si Mumar ay naglaro sa koponan ng Utex, Seven-Up, Filmanbank, CDCP at Great Taste sa PBA.
Si Eduque ang siyang nag-coach naman sa Philippine team sa qualifying tournament para sa 1964 Olympics at naging PBA coach para sa Concepcion Industries, Mariwasa at Manila Beer, nanalo ng titulo para sa Yco at Mari-wasa sa commercial leagues.
Si Fajardo ay naging team captain ng 1938 NCAA champion Letran Knights, team captain ng Philippine team noong 1948 Olympics, ang kauna-unahang Filipino na na-accredited bilang international referee at naging guro ng Philippine team sa Helsinki Games noong 1952.
Si Solis ay nahirang na PSA Athlete of the Year noong 1958 nang siya ay manalo ng Asian Games gold medal sa century dash.
Si Monfort ang siyang pangulo ng NCRAA Football Association at nanguna sa malawak na football program para sa mga kabataan sa NCR, habang si Besa ang promoter ng maraming bilang ng local at international title bouts.