Guba, Zoleta umiskor ng doble panalo sa Milo netfest

Umiskor ng tigalawang panalo sina Yannick Guba ng St. Benilde-Bacolod at Bambi Zoleta ng Mary Hill College-Lucena sa pagpapatuloy kahapon ng 2001 Milo Junior Tennis Cup and Regional Workshop sa Rizal Memorial Tennis Center.

Naibulsa ni Guba ang korona sa boys’ 18-under nang kanyang gapiin si Ian de Guzman, 6-2, 6-1 at winalis ang 16-under crown makaraang humatak ng 6-2, 6-2 panalo laban kay Jandrick de Castro ng Veterans Memorial Tennis Club.

Pinatalsik ni Zoleta si Jessica Agra ng Colegio de San Agustin, 6-3, 6-3 upang makopo ang korona sa girls’ 12-under. Nasungkit din niya ang unisex 10-under title matapos na silatin si Gerard Ngo ng Lourdes School, 6-4, 6-3.

Dinomina ni Tracy Bautista ng Emilio Aguinaldo College-Cavite ang girls’ 18-under class matapos na magretiro si Bernardine Sepulveda ng Sacred Heart School-Cebu dahil sa pananakit ng kanyang sikmura.

Nauna ng naumit ni Sepulveda ang korona sa 16-under bracket nang itala ang 6-2, 6-2 panalo kontra Ivy de Castro ng Mirriam College.

Tinanghal rin na kampeon sina Arithmetico Lim ng Chiang Kai Shek, Leyan Moncera ng Olongapo City at Melissa Orteza ng La Salle-Zobel sa event na ito na inorganisa ng Children’s Tennis Workshop at suportado ng Adidas at Sports Kids.

Show comments