Ayon sa kanyang manager na si Ed Ponceja, nagpasabi umano si Adducul, naglalaro mula sa Batangas Blades, na hahabol siya sa itinakdang deadline ng PBA para sa mga rookies na naghahangad na mapasama sa Draft ng pagsusumite ng kanyang aplikasyon ngayong alas-5 ng hapon.
Kung sakaling magsumite ng kanyang aplikasyon si Adducul, posibleng siya ang maging No. 1 pick.
Gayunman, tila may agam-agam dito, dahil matatandaan na dalawang taon na ang nakalipas, nagpasabi din si Adducul na gusto na niyang umakyat sa pro loop noong 1998 Annual Draft kung saan kasabayan niya ang top pick na si Danny Ildefonso na hinugot ng San Miguel Beer, ngunit ito ay umatras at mas pinili pa ang maglaro sa bagong silang na liga na MBA sa koponan ng Manila Metrostars.
"Mahirap ng umasa, hintayin na lang natin bukas ng hapon kung magsusumite siya ng application, baka gaya rin ng dati, nagpasabi siya tapos, biglang magbabago ng isip at di sisipot," wika ng isang malapit kay Adducul na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Nitong nakalipas na linggo, nagpahayag si Adducul na wala siyang intensiyon na sumali sa Draft dahil nais niyang bigyan ng atensiyon ang kanyang koponan sa MBA at maihatid ito sa kampeonato.
Dahil sa nakopo na ng Batangas Blades ang kanilang unang titulo sa MBA, ayon sa isang malapit naman kay Adducul, maaaring nagbago na ang pasya ng cager at posible ring sumali na siya sa draft. (Ulat ni Maribeth Repizo)