Paghahanap ng bagong coach ang prayoridad ng Talk N Text

Sa ngayon, prayoridad muna ng Talk N Text ang makahanap ng isang mahusay na guro na siyang gagabay sa kampanya ng Phone Pals sa pagbubukas ng 2002 season ng Philippine Basketball Association sa Pebrero 10.

Ayon kay team manager Frankie Lim, nakasentro ang atensiyon ng management para sa isang coach na siyang magbibigay ng kauna-unahang korona sa Phone Pals bago nila talakayin ang posibleng muling pagpapapirma sa apat nilang manlalaro na ang kontrata ay mapapaso ngayong katapusan ng buwan.

Sinabi pa ni Lim na ang kapalaran nina forward Don Camaso at role-players na sina Gabby Cui, Gido Babilonia at Josel Angeles ay nakasalalay sa mapipili nilang coach.

Sa apat na nabanggit, tanging si Camaso lamang ang siyang posibleng makakuha ng panibagong kontrata mula sa iba pang koponan.

Kabilang sa napipisil ng Phone Pals na maging mentor ay sinuman kina Franz Pumaren, gumiya sa La Salle at assistant coach ng Sta. Lucia Realty at Chot Reyes ng Pop Cola, gayunman, sinabi pa ni Lim na maaaring kumuha sila ng tagalabas para sa nasabing puwesto.

Ayon sa source, ibig ni team owner Manny Pangilinan, na siya mismo ang nagpasimuno sa pagbalasa sa Phone Pals, ng isang batang mentor.

Matatandaan na nagbitiw sa puwesto si Louie Alas matapos na masibak ang Phone Pals sa Governors Cup.

Sa kaugnay na balita, kinansela kahapon ng PBA ang nakatakdang Board meeting upang talakayin ang katayuan ng Federal Express na siyang nakabili sa prangkisa ng Tanduay Gold Rhum at sa halip ito ay iniurong sa Jan. 3. (Ulat ni Maribeth Repizo)

Show comments