Itoy makaraang magkasundo noong Martes ang Pilipinas Shell at si Ronquillo sa tatlong taong kontrata na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P10 milyon.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source, bagamat hindi inihayag ni Ronquillo ang halaga ng kanyang kontrata, tinatayang ito ay tatangap ng buwanang suweldo na hindi bababa sa P300,000 at ito ay tataas sa susunod na dalawang taong.
Ayon pa sa source, tinanggihan umano ni Ronquillo, gumiya sa dalawang kampeonato ng Shell sa kanyang unang tatlong taon bilang head coach ang lukratibong alok ng Talk N Text Phone Pals dahil sa personal na dahilan.
Matatandaan na si Ronquillo ay pinapainan ng Phone Pals ng kontrata na di nagkakalayo sa kontrata ng nasibak na si Louie Alas matapos na di nito madala ang Talk N Text sa magandang pagtatapos ngayong season.
Si Alas ay tumatanggap ng buwanang suweldo na hindi bababa sa P450,000 at posibleng ito rin ang nais na ibigay ng Phone Pals kay Ronquillo.
"Maganda ang alok nila, kaya lang natatakot ako, baka hindi ko madala sa championships ang Talk N Text. Mataas kasi ang expectation sa kanila dahil sa lakas ng line-up," pahayag ni Ronquillo kung saan tinapos ng Shell ang kanilang kampanya sa season-ending Governors Cup sa ikatlong puwesto matapos na igupo ang Pop Cola.
"Masaya na ako sa Shell, palagay ang isipan ko. Malaki ang oportunidad na ibinigay nila (management) sa akin," dagdag pa ni Ronquillo na ayon sa kanya ay malaki ang kanyang tsansa na makahanap ng mga batang talento na kanyang imomolde upang hubugin at makasama ng kanyang mga beterano.
Samantala, malaki rin ang posibilidad na mabigyan ng extension contracts ang mga assistant coaches ni Ronquillo na sina Joey Guanio, Jig Mendoza at Her Callanta.
Dahil sa hawak ng Shell ang unang dalawang first round picks, kumpiyansa si Ronquillo na makakakuha sila ng mahusay na manlalaro na sasali sa Annual PBA Draft sa Enero sa Glorietta.
Ang Shell ang may-ari ng No. 4 at No. 7 picks sa overall.
"Siguro hindi ko sasayangin ang pagkakataon, pag-iisipan kong mabuti ang aking huhugutin upang mabalanse ang koponan at makabalik kami sa dati," pahayag pa ni Ronquillo na hindi naging maganda ang kanilang kampanya sa 2000 season matapos na mapatalsik sa tatlong kumperensiya dahil sa sinalanta ng injury ang kanyang koponan.