Gumana ang anim na manlalaro ng Jewelers sa huling maiinit na bahagi ng laro upang ipakita ang kanilang matinding determinasyon na makaahon sa kanilang kinalulubugan at patuloy na bigyang buhay ang kanilang nag-hihingalong kampanya nang itala ang ikalawang panalo matapos ang walong laro.
Humakot si Jenkins Mesina ng 20 puntos, nagdagdag si Aries Dimaunahan ng 19 puntos na kinabibilangan ng tatlong triples bukod pa ang apat na rebounds at anim na assists, habang sumuporta naman sina Mark Macapagal at Gilbert Lao na umiskor ng tig-13 puntos.
Hindi rin nagpahuli sina Jacques Gottenbos at Gary David ng kapwa magposte ng tig-10 pun-tos para palakasin ang kampanya ng Jewelers.
Hindi naging sapat ang pinagpagurang 31 puntos ni Ronald Tubid kung saan kumana ito ng apat na tres nang walang gaanong nakuhang suporta sa kanyang mga ka-teammates dahilan upang malasap ng Freezer Kings ang ikalimang talo matapos ang tatlong panalo.
"Medyo nasunod ang sistema. But basically, the boys desire to win prevailed over experience. Binigay nila ang lahat sa final two quarters. Kahit hirap, nandoon ang desire kaya nakalusot kami," pahayag ni Montana coach Turo Valenzona.
Hinatak ni Dondon Mendoza ang laro sa extra limang minuto matapos ang kanyang jumper upang itabla ang iskor sa 88-all may 31 segundo na lamang ang nalalabi. Ang mahigpit na depensa ng Ana ang nagpuwersa naman sa Montana na gumawa ng 24-second shot clock violation.
At sa sumunod na yugto ng laro, tanging si Tubid lamang ang umiskor ng walong puntos ng Ana upang agawin ang 97-94 kalamangan, ngunit nahugutan ng foul ni Mark Macapagal si Mendoza at kanyang naitabla ang iskor sa 94-all, matapos ang dalawang free throws, may 1:43 na lamang sa laro.
Dito nagpamalas sina Roland Pascual at Aries Dimaunahan ng agresibong opensa nang kanilang agawin ang trangko sa 97-94, 1:17 na lamang sa oras.
Huling nakalapit ang Ana sa 97-96 kung saan tuluyan ng isinelyo ng Montana ang kanilang panalo sa pamamagitan ng 3-0 run.