Ayon kay Nazario, na dumalo sa PSA Forum kahapon sa Holiday Inn Hotel na siya ay nakatakdang makipag-negosasyon sa Home Box Office (HBO) upang dalhin sa Manila ang susunod na laban ni Pacquiao. Pero kung sakali mang di mag-materialize ang kanyang plano, sinabi ni Nazario na gagawa siya ng sariling paraan upang mai-promote ang laban sa Manila.
"I will promote it myself if HBO does not agree on a Manila fight. I dont see any problem because we all know how exciting a boxer like Manny Pacquiao is on the ring," wika ni Nazario na ayon pa sa kanya ito ay nangangailangan ng hindi bababa sa P18 milyon upang dalhin ang laban sa Manila.
Napanatili ni Pacquiao ang kanyang titulo matapos ang kontrobersiyal na split draw sa pagtatapos ng ikaanim na round kontra Agapito Sanchez ng Dominican Republic noong nakaraang Nov. 11.
Sa labang ito, nagpamalas si Sanchez ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) champion ng maduming taktika na kinabibilangan ng ilang low blows at patagong suntok sa kanang tadyang ni Pacquiao dahilan upang makadama ang Filipino ng matinding sakit sa ikaapat na round ng kanilang unification bout.
At ang sanay rematch nila ni Sanchez ngayong kaagahan ng buwan ay agad ding tinutulan ng kampo ni Pacquiao kung saan kanilang napipisil na maging kalaban ng Pinoy ang sinuman kina Simeon Ramoni ng South Africa, ang dating IBF No. 1 contender o Danny Romero ng Amerika, ang International Boxing Organization (IBO) titlist.