Trinidad kumpiyansa sa magiging desisyon ng Malacañang

May sampung araw na lamang ang nalalabi bago magbukas ang kanilang season-ending Challenge Cup, sinabi ni Philippine Basketball League commissioner Chino Trinidad na kumpiyansa siya na babaligtarin ng Malacanang ang desisyon ng Games and Amusement Board na nagsasabing ang naturang liga ay isang professional.

Sinabi ni Trinidad na siya ay nakatakdang makipagkita kay Executive Secretary Alberto Romulo bukas upang pag-usapan ang nasabing isyu at makahanap ng solusyon sa problemang ibinigay ng GAB sa ilalim ng liderato ni dating chairman Dominador Cepeda.

Inaasahan na ibaba ng Malacañang at GAB Chairman Eduardo Villanueva ang kanilang desisyon bago magsimula ang PBL Challenge Cup sa Nov. 3 sa Makati Coliseum.

Dahil sa ruling na ito ng GAB, naging dahilan ito upang bawiin at pagbawalan ng UAAP at ng NCAA ang kani-kanilang manlalaro na lumaro sa PBL.

Nauna ng nagbanta ang De La Salle University at Ateneo de Manila na i-withdraw ang kani-kanilang players sa PBL na may 18-taon ng tumatakbo.

Ngunit halos karamihan sa mga manlalaro nito ay apektado ng malaki dahil sa desisyon ng UAAP at NCAA na nagbabawal na paglaruin ang kani-kanilang players sa PBL kung saan mapipilitan ang mga ito na mamili sa pagitan ng PBL at sa kani-kanilang mga paaralan.

Gayunman, sinabi ni UAAP president Antonio Montinola na nakahanda silang bawiin ang kanilang desisyon sa pagba-ban ng kani-kanilang players na lumaro sa PBL kung ang maglalabas kaagad ng desisyon ang Malacañang bago sumapit ang Nov. 3.

Show comments