UAAP Women's Basketball: De La Salle kampeon

Ipinamalas ni Roussel Ocampo ang kanyang pagiging pinakamagaling na babaeng cager nang kumana ito ng 31 puntos upang trangkuhan ang De La Salle University sa 74-69 panalo kontra sa University of the Philippines upang ibigay sa Lady Archers ang kanilang ikatlong sunod na titulo sa 64th season ng UAAP women’s basketball tournament kahapon sa Ateneo gym.

Gumawa si Ocampo, nahirang na women’s MVP noong nakaraang linggo ng dalawang steals na sinundan ng pagkamada ng limang puntos upang ihatid ang Lady Archers sa 69-63 pangunguna sa huling 2:41 oras ng laro.

Sa sumunod na play, sumagot si Camille Dowling ng UP nang dalawang free throws matapos ang inbound error ni Jessica Severino ng DLSU na sinundan ng pagsablay sa three-point range ni Lourdes Cruz patungong final na 2:00 minuto ng laro.

Naibaba ng UP ang kalamangan ng La Salle sa 65-69, 1:32 ang oras, subalit nagawang ilayo ni Regina Velarde ang Finals MVP ang pundasyon ng La Salle sa 70-65, pero nananatili pa ring nagbabanta ang UP sa 67-70 matapos ang undergoal stab ni Dowling may 27.5 segundo na lamang ang oras.

Sa volleyball event, winakasan na ng De La Salle University-Manila ang kanilang tagtuyot sa korona ng men’s volleyball team nang kanilang ibulsa ang naturang titulo.

Tinalo ng DLSU ang University of Santo Tomas (UST) sa limang sets, 23-25, 25-15, 25-20, 16-25, 16-11 na ginanap sa University of the Philippines gym kahapon upang makopo ang kanilang kauna-unahang UAAP men’s volleyball crown simula ng sumali sa liga noong 1986.

Pumukaw din ng eksena ang beterano ng koponan na si Janley Patrona na nanalo ng lahat ng major awards. Nahirang si Patrona bilang Most Valuable Player, Best Server at Best Spiker. Isa pang Green Archer Spiker si Alejandro Mallari ang idinek-larang Best Blocker.

Show comments