Nakatakda ang sagupaang Rhummasters at Panthers sa ikalawang laro, dakong alas-7:10 ng gabi pagkatapos ng engkuwentrong Shell Velocity at Purefoods TJ Hotdogs na sisimulan naman sa ganap na alas-5:05 ng hapon sa Araneta Coliseum.
Magiging puhunan ng Pop Cola ang kanilang nakaraang napakatamis na panalo kontra sa nagdedepensang kampeong San Miguel Beer sa isang overtime game noong nakaraang Sabado sa Ynares Center sa Antipolo City.
Naitakas ng Panthers ang makapigil hiningang 103-101 tagumpay kontra sa Beermen na nabigong ipanalo ang laro sa kabila ng kanilang dalawang pagkakataong mapasakamay ang laro.
Maging si coach Chot Reyes ay hindi makapaniwala sa kanilang pama-mayani. Anitoy, "Panalo na, natalo na, nanalo pa. Hindi ko alam kung pa-paano kami nanalo. Akala ko sa San Miguel na pero nanalo pa rin kami."
Ang Pop Cola ay kasalukuyang kabilang sa four-way-tie sa 2-2 panalo-talo kasama ang SMBeer, TJ Hotdogs at Barangay Ginebra sa likuran ng magkasamang lider na Talk N Text at Sta. Lucia Realty na parehong nag-iingat ng malinis na 4-0 record.
Makakatapat naman nito ang bagong import ng Rhummasters na si Billy Thomas. Sa unang salang ni Thomas ay humakot ito ng 38-puntos ngunit nauwi ito sa wala nang malasap ng Tanduay ang 93-108 kabiguan kontra sa Batang Red Bull noong Linggo.
Ang Turbo Chargers naman ay may 1-2 kartada katabla ang Red Bull Thunder kasunod ang Tanduay na may 1-3 record.
Magkakasubukan naman ng lakas sina Shell import Askia Jones at Purefoods import Derrick Brown.
Hangad ng Purefoods na masundan ang kanilang 106-102 pamamayani kontra sa Ginebra noong nakaraang Biyernes habang layunin naman ng Turbo Chargers na makabawi sa 96-109 pagkatalo sa Realtors noong Linggo.