PBA Governors Cup: Alaska taob sa Ginebra

Sa napakaimportanteng araw para kay Sean Chambers nabigong mabigyan ng Alaska Aces ng magandang pabaon ang kanilang resident import.

Nalasap ng Alaska ang nakapanghihinayang na 101-103 kabiguan mula sa mga kamay ng Barangay Ginebra sa pag-usad ng PBA season-ending Governors Cup sa PhilSports Arena kagabi kung saan naging panauhin ang mga bayani ng bansa sa nakaraang Southeast Asian Games.

Kahapon ay iniretiro na ng Alaska si Chambers, 12-taon nang import ng Uytengsu franchise, naglaro ng 18 kumperensiya at 13 season sa PBA.

Isang munting seremonya ang inihanda para kay Chambers kung saan ibinigay kay Chambers ang kanyang jersey at ito ay nagpaluha para sa 36-gulang na import na sinaksihan ng mga panauhing medalists ng Kuala Lumpur Games na kinilala rin ng PBA sa pamamagitan ng pagpapakilala sa mga ito.

Isang magandang regalo sana para kay Chambers ang tagumpay ng Alaska ngunit hindi agad naipasa ni James Walkvist ang bola kay Bryan Gahol na inabutan ng final buzzer, matapos nitong makuha ang rebound sa nagmintis na basket ni Jayjay Helterbrand sa panig ng Gin Kings.

Nakabangon ang Gin Kings mula sa dalawang sunod na pagkatalo at naingat ang kanilang record sa 2-2 win-loss slate, habang lalo namang nabaon ang Aces sa pangungulelat matapos malasap ang ikaapat na sunod na talo sa likod ng pagkuha ng bagong reinforcement sa katauhan ni Dexter Boney.

Tumapos ang balik PBA import na si Boney ng 18 puntos at 9 rebounds sa likod ng 25 at 20 puntos nina Ali Peek at Kenneth Duremdes para sa Alaska, ayon sa pagkakasunod.

Humataw naman si import Mark Jones ng 30 puntos para sa Ginebra, 12 nito ay sa ikatlong quarter kung saan naipundar ng Gin Kings ang 8 puntos na pangunguna, 80-72 sa pagtatapos ng naturang yugto.

Sa pangunguna ni Peek ay nanatiling may tsansa sa panalo ang Aces, ngunit pumabor sa Ginebra ang ihip ng hangin sanhi ng kanilang pagkatalo.

Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang defending champion San Miguel Beer at Talk N Text Phone Pals na naghahangad mailista ang ikaapat na sunod na panalo.

Show comments