PBA Governor's Cup: 4th win target ng Talk N Text

Magpaparada ng bagong import ang Alaska Aces, hangad naman ng Talk N Text na maiposte ang ikaapat na sunod na panalo, makabawi sa nakaraang masaklap na kabiguan ang pakay ng defending champion San Miguel Beer at makabangon mula sa dalawang sunod na talo ang tangka naman ng Ba-rangay Ginebra.

Ito ang mga senaryo sa dalawang larong nakatakda ngayon sa pagpapatuloy ng eliminations ng PBA season ending Governors Cup sa PhilSports Arena.

Unang magsasagupa ang Gin Kings at Aces sa pambungad na laban sa ganap na alas-5:05 ng hapon na susundan naman ng engkuwentro ng SMBeer at Phone Pals sa ikalawang laro sa dakong alas-7:10 ng gabi.

Isang balik-PBA ang bagong reinforcement ng Alaska sa katauhan ni Dexter Booney bilang kapalit ng kanilang resident import na si Sean Chambers na inaasahang magkakaloob na sa Aces ng kanilang kauna-unahang panalo.

Si Booney ay nakapaglaro na sa PBA nang siya ay kuning import ng Pop Cola noong 1998. Siya ay minsang naging Most Valuable Player ng All-Star Games ng Continental Basketball Association o CBA.

Ang tagumpay naman ng Talk N Text ang magbibigay sa kanila ng karapatang saluhan ang kasalukuyang solo leader na Sta. Lucia Realty na nag-iingat ng malinis na 4-0 kartada.

Isang masaklap na 95-96 pagkatalo naman ang nalasap ng San Miguel mula sa mga kamay ng Pop Cola noong Sabado sa Ynares Center sa isang overtime game na kanilang kauna-unahang pagkatalo.

Hangad namang makawala ng Ginebra sa 3-way-tie sa 1-2 win-loss slate kasama ng walang larong Shell Velocity at Batang Red Bull sa pamamagitan ng kanilang tagumpay.

Sa tatlong pakikipagsagupa ng Alaska ay wala pa itong naipapanalo kasama si Chambers kaya’t minabuti ng management na kumuha ng bagong import upang bigyan ng liwanag ang kanilang kampanya sa ikatlong kumperensiyang ito.

Sa pagsabak ni Booney sa giyera ay makakatapat nito si Mark Jones ng Gin Kings habang magtatagisan naman ng lakas sina San Miguel import Lamont Strothers at Brandon Williams ng Phone Pals.

Nakapanlulumo ang nakaraang kabiguan ng San Miguel dahil dalawang beses na nabigyan ng pagkakataon ang Beermen na ipanalo ang laban ngunit nagmintis lamang ang kani-kanilang pampanalong basket.

Show comments