Sapul nang lumahok sa PBA ang Sta. Lucia, ngayon pa lamang nakapagtala ang Realtors ng 4-0 simula sa isang kumperensiya at ito ay isang bagay na labis na ikinatuwa ng buong tropa.
Muling humataw si import Damien Owens katulong ang mga locals na sina Marlou Aquino, Dennis Espino, Paolo Mendoza at Chris Tan upang pangunahan ang Sta. Lucia na umangat ng higit sa 20 puntos kontra sa Turbo Chargers na di man lamang nakatikim ng pangunguna.
Sa unang bahagi ng labanan, umabante na ang Sta. Lucia sa 59-37 matapos pamunuan ni Owens ang 25-9 run sa ikalawang quarter kung saan hinakot nito ang 11 puntos.
Sa pagtutulungan nina Shell import Askia Jones at Rob Wainwright, naga-wang ibaba ng Turbo Chargers ang kalamangan sa 9 puntos, 74-65.
Gayunpaman, hindi naman nagpabaya ang tropa ni coach Norman Black sa pangunguna nina Owens, Espino at Mendoza upang muling ilayo ang Sta. Lucia sa 98-85 upang tuluyan nang ipalasap sa Turbo Chargers ang ikalawang talo sa 3 laro.
"This is really a team effort. Owens, Espino, Paolo Mendoza, Marlou Aquino and Cris Tan played great tonight," ani coach Norman Black. "When your winning it brings a lot of confidence," dagdag pa ni Black.
Ang susunod na laban ng Shell ay sa susunod pang Linggo kontra sa Alaska Aces na may bagong import na matapos lumasap ng tatlong sunod na talo.
Ipaparada ng Aces ang kanilang bagong import na si Dexter Booney, isang balik-PBA imports para humalili kay Sean Chambers.
Si Booney ay naging import na ng Pop Cola noong 1998 at ito ay naging MVP sa isang all-star game ng Continental Basketball League.
Habang sinusulat ang balitang ito ay kasalukuyang naglalaban ang Tanduay Gold Rhum at Batang Red Bull sa ikalawang laro kagabi.(Ulat ni Carmela Ochoa)