4 na bagong imports sa PBA pumasa lahat

Pumasa sa 6-foot-4 height limit ang apat na bagitong imports na paparada sa PBA season ending Governor’s na magbubukas sa Sabado sa Ynares Center sa Antipolo City.

Binigyan ng go-signal ng PBA sina Mark Jones ng Barangay Ginebra, Askia Jones (hindi kapatid ni Mark) ng Shell Velocity, Brandon Williams ng Mobiline Phone Pals at Rossel Ellis ng Swift Panthers matapos pumasa sa pagsusukat na isinagawa ni Dr. Ben Salud official.

Sina Mark Jones, Askia Jones at Williams ay may pare-parehong sukat na 6’3 3/4 habang si Ellis naman ay nasukatan sa taas na 6 ‘2 5/8.

Sina Mark Jones ay may karanasan sa Continental Basketball Association kung saan naglaro ito sa Fort Wayne Fury habang si Askia Jones ay may karanasan sa National Basketball Association kung saan naglaro ito sa Minnesota.

Si Williams ay isa namang certified na NBA veteran na naglaro ito sa Gol-den State Warriors, San Antonio Spurs, Atlanta Hawks at ang pinakahuli ay sa New York Knicks.

Si Ellis ay hindi na baguhan sa bansa dahil nakarating na ito noong nakaraang kumperensiya upang sana’y maglaro sa Mobiline Phone Pals ngunit pinauwi din ito.

Si Ellis ay naglaro sa Yakima Sun Kings sa CBA, sa American Basketball Association at sa McDonalds All-American tournament kung saan ito ay naging Most Valuable Player.

Hindi na sinukatan ang mga balik imports na sina Lamont Strothers ng defending champion San Miguel Beer, Rey Tutt ng Commissioner’s Cup champion Batang Red Bull, Damian Owens ng Sta. Lucia Realty, Maurice Bell ng Tanduay Gold Rhum, ang resident import ng Alaska Aces na si Sean Chambers at ang Best imports sa torneong ito noong nakaraang taon na si Derrick Brown ng Purefoods

Sa record ng PBA, si Owens ang pinakamataas sa kanyang height na 6’3 7/8. Sina Strothers, Brown at Bell ay pare-parehong may taas na 6’2 1/2.

Si Tutt ay 6’2 3/4 habang si Chambers ay 6’1 7/8.

Unang mapapasabak si Ellis na baguhang import sa pakikipagharap ng Swift sa Sta. Lucia sa Opening game sa Sabado kung saan makakatapat nito si Owens.

Magkakasukatan din ng lakas sina Brown at Chambers sa paghaharap ng Purefoods at Alaska sa ikalawang laro. (Ulat ni Carmela OChoa)

Show comments