Bunga ng kabiguang ito, tumapos lamang ang Filipinos ng ikaapat na puwesto sa tournament na ito na nilahukan ng walong koponan.
Umabante ang RP team na naglaro na di naasahan sina Ranidel de Ocampo, Richard Melencio at Val Domingo na sinalanta ng injury sa una at ikalawang quarters sa 19-16 at 33-29, ayon sa pag-kakasunod, ngunit di nila ito napangalagaan nang sa pagpasok ng final canto ay unti-unti itong tibagin ng Russia at makatabla sa 52-all.
Mula dito, nanalasa na ang hotshots ng Russian na sina Alexander Chernov at Vladimir Pernev na nagtulong sa 15 puntos na produksiyon upang ihatid ang kanilang koponan sa 68-60 pangunguna na hindi na nagawa pang lingunin ng RP-Five.
Tinanghal na kampeon sa 10-araw na tournament na ginaganap bilang pagbibigay parangal sa kauna-unahang FIBA secretary-general ang host Taiwan, habang pumangalawa ang Korea at ikatlong puwesto naman ang nakopo ng Russia.
Tinapos ng Nationals ang kanilang kampanya sa 4-3 win-loss slate kung saan tinalo nila ang Canada, Mongolia, South Africa at Honduras.