Ito ang ika-10th second runner-up finish ng Aces para sa ikalawang pinakamaraming third place finish sa liga sa likuran ng 11 ng San Miguel Beer.
Malaking tulong para sa Alaska ang hindi paglalaro ni Andy Seigle na ipinapahinga ang kanyang injured na paa at Rey Evangelista na nagkaroon naman ng hamstring.
Ngunit naging susi pa rin sa tagumpay ng Aces ang kanilang katatagan sa huling maiinit na minuto ng labanan.
Nagbigay kaba sa Alaska ang pagbangon ng TJ Hotdogs mula sa 11 puntos na pagkakahuli nang pakawalan ng Purefoods ang uma-atikabong 15-5 run sa ikaapat na quarter upang agawin ang kalamangan sa 83-82 matapos ang basket ni Richard Yee, 4:50 ang nasa orasan.
Ngunit isang 14-5 produksiyon ang pinangunahan nina Don Carlos Allado at Ali Peek upang iselyo ang tagumpay ng Alaska.
"We forgot all about our last game," ani Alaska coach Tim Cone. " It was important for us to win third place because a lot of this guys dont have a third place finish yet," dagdag pa niya.
"Even if we lost to San Miguel in the semifinals, winning third place got us to a higher level as far as building this team is concerned," sabi pa ni Cone na nagsabing muling aasa sila kay import Sean Chambers sa third conference.
Pinangunahan ni Peek ang limang naka double-digit na produksiyon sa Aces sa kanyang paghakot ng 23 puntos. Pinamunuan naman nina import David Wood at Noy Castillo ang TJ Hotdogs sa kanilang inilistang 27 at 21 puntos, ayon sa pagkakasunod na nauwi lamang sa wala bunga ng kanilang pagkatalo.
Nasiguro ng Alaska ang panalo sa tulong ni Allado na umiskor ng mahalagang jumper at dalawang freethrows para sa panigurong 94-87 kalamangan, 25.1 segundo na lamang ang nalalabi sa laro.
Samantala, kasalukuyang naglalaban naman ang San Miguel Beer at Batang Red Bull sa Game One ng kanilang titular showdown habang sinusulat ang balitang ito. (Ulat ni Carmela Ochoa)