Nakialam na ang kongreso sa pag-aagawan ng liderato nina Tiny Literal at Lito Puyat sa Basketball Association of the Philippines sa katauhan ni House Committee on Sports chairman Monico Puentevella, dating Commissioner ng Philippine Sports Commission na ngayon ay Congressman na ng Bacolod.
Pinulong kamakalawa ni Puentevella sina Puyat at Literal upang ipakita ang isang kasulatan na nagsasaad ng magkabilang panig sa kondisyong itinakda ng FIBA.
Para maalis ang suspensiyon, kailangang magkasundo ang magkabilang panig dahil ayon sa patakaran ng FIBA, isang asosasyon sa bawat bansa lamang ang kanilang kinikilala at sa kasalukuyan ay may dalawang paksiyon sa BAP.
Matapos pumirma si Puentevella bilang witness, hindi nag-atubiling lumagda si Puyat sa naturang kasulatan ngunit taliwas naman ito kay Literal.
Ang dokumento na maaaring makapagsalba sa bansa ay kasalukuyang nasa kamay ni Literal. Hindi ito lumagda sa naturang kasunduan dahil ayon kay Literal ay kailangan pa nitong ikonsulta sa kanyang kampo.
"We are interceding because it has already embarrased the country," pahayag ni Puentevella. "Maganda naman ang nangyari sa meeting. It was a very cordial meeting."
Kapag pinirmahan na ni Literal ang naturang kasulatan ay kailangan na lamang nitong iparating ang sulat sa Philippine Olympic Committee sa ilalim ni Celso Dayrit o sa Philippine Sports Commission sa ilalim ni Carlos Tuason.
Hanggang kahapon ay wala pang nakakarating na dokumento kina Dayrit at Tuason mula kay Literal na wala namang deadline ngunit hanggang sa buwan na lamang ng kasalukuyan ang palugit ng FIBA.
Para makasali ang Philippine sa SEA Games na siyang defending champion sa basketball competition ay kailangang maalis ang suspensiyon bago magsimula ang biennial meet.
Kung walang mangyayari hanggang sa susunod na buwan ay mapipilitan ng magpadala ang FIBA at ang International Olympic Committee ng kinatawan na manghihimasok sa kaguluhan. (Ulat ni Carmela Ochoa)