Tanduay no.7 slot

Napasakamay ng Tanduay Gold Rhum ang ikapitong slot sa quarterfinals phase makaraang igupo ang Pop Cola, 88-82 sa sudden death playoff kagabi sa Cuneta Astrodome.

Kumuha ng lakas ang Rhummasters sa kanilang import na si Kevin Freeman nang maglatag ng matibay na depensa sa huling 3:31 oras ng labanan nang pamunuan nito ang atake ng Tanduay upang mapalawig ang kanilang tsansa na makasulong pa sa susunod na round.

Tumapos si Freeman ng 28 puntos, 11 rebounds at 6 asists na nakakuha ng malaking suporta mula kay Dondon Hontiveros na kumana ng 24 puntos.

Bunga ng panalong ito, makakaharap ng Rhummasters ang Purefoods TJ Hotdogs sa best-of-three quarterfinal round kung saan ang Hotdogs ay may bentaheng twice-to-beat.

Mula sa 70-68 pangunguna ng Panthers, patungong 6:38 oras ng labanan, mag-isang nanalasa si Poch Juinio nang humataw ito ng anim na sunod na puntos upang ilagay sa kampanteng kalagayan ang Panthers sa 8 puntos na bentahe, 76-68, may 5:32 ang nasa tikada.

Ngunit hindi nakayanan ng Pop Cola ang mainit na atake ng Rhummasters sa pangunguna ni Kevin at Jeffrey Cariaso at unti-unti nilang naibaba ang kalamangan ng Panthers sa 1 puntos na lamang, 75-76.

Bunga nito, agad na tumawag ng timeout si coach Chot Reyes at sa pagbabalik ng laro, umiskor si Juinio ng isang jump shot upang muling ilayo ang kanilang abante sa 3 puntos, 78-75, 3:10 ang nasa oras.

Pero agad din itong sinagot nina Freeman at Hontiveros nang magkasunod na basket upang agawin ang pamumuno sa 79-78.

Huling nahawakan ng Pop Cola ang pangunguna sa 80-79 matapos ang dalawang foul throw ni Juinio na kanyang nahugot sa foul ni Zaldy Realubit.

Habang sinusulat ang artikulong ito, kasalukuyan pang pinaglalabanan ng Mobiline Phone Pals at Shell Velocity ang ikawalo at huling slot. (Ulat ni Maribeth Repizo)

Show comments