Inaasahan na aabot sa 4,000 ang lahok sa Milo Marathon na ito na susuportahan rin ng Adidas kung saan nagsumite ng pinaka-malaking bilang ng delegasyon ang Bicol College of Arts and Trades na 850 runners.
Ayon sa College administrator Dr. Amparo Nieves, ang nasabing Milo race ay naging tradisyunal na competitive sports para sa kanilang mga mag-aaral.
"This years number of participants will be the biggest in our 9 years of hosting the Milo elimination race," ani local race organizer Mr. Pedro C. Lee na siyang overall chairman ng Naga City Sports Council.
Ang no-entry fee policy ni Mr. Lee at ng Naga City Sports Council ang siyang naging dahilan upang lumaki ang bilang ng mga sasaling runners. Ngunit ang karerang ito ay istrikto para lamang sa mga residente ng Bicol upang mabigyan ng pagkakataon ang regions homegrown running talents.
Inimbitahan ang bagong halal na city mayor Jesse Robredo at city councilor Atty. John Bongat na maging panauhin sa race opening. Sila ay makakasama ng ilang movie at television personalities gaya nina Jake Roxas at Ann Curtis.
Si Mayor Robredo ang siyang magpapaputok ng baril na aasistihan ni Pedro Lee at national race organizer Rudy Biscocho.
Labing-walong paaralan na nakabase rito ang maglalaban-laban para ngayong taong Cheering Competition kung saan nahaharap sa mahigpit na laban ang Tabuco Central School ang kasalukuyang kampeon para sa korona.
Ngunit kumpiyansa ang school principal na si Cecil Ledesma na mapapanatili ng kanyang koponan ang korona ngayong taon.
Kasalukuyan ng ginaganap ang patalaan para sa karera sa linggo sa Aristocrat Hotel hanggang Hulyo 18.
Mahigpit na ipatutupad ang itinakdang araw.