Nagsukbit ng gintong medalya sina Percela Molina at Fidel Gallenero sa pamamagitan ng kanilang record breaking performance sa women’s triple jump at men’s decathlon event, ayon sa pagkakasunod.
Ngunit mas pumukaw ng pansin si Aling na kumatawan ng Philippine Navy matapos mamuno sa men’s 200m dash para sa kanyang ikatlong gintong medalya at angkinin ang titulong pinakamabilis na trackster ng torneong ito.
Si Aling ay nagtala ng tiyempong 21.6 segundo sa ginamit na handtime upang talunin sina Ernie Candelario ng Air Force (21.9) at Ronnie Marfil ng La Salle-Dasmariñas (22.8) upang masundan ang kanyang gold medal performance sa 100-m dash at 4x100 relay noong Biyernes.
Hinigitan ni Molina, isa ring kinatawan ng Navy, ang kanyang sariling record na 12.23 metro na kanyang naitala sa 1999 National Open sa paglundag ng 12.56 metro habang sariling record din ang sinira ni Gallenero na naitala sa Brunie Southeast Asian Games.
Humakot ang 28-gulang na si Gallenero ng 6,832 puntos sa 10-events upang lampasan ang kanyang record na 6,789 puntos para sa kanyang ikalawang gold medal matapos mag-ambag sa 4x100 relay kasama si Aling.
Bukod kina Gallenero at Molina, ang iba pang nakapagtala rin ng bagong record ay sina Amandoron sa women’s javelin throw at Cristabel Martes sa 10,000 meter run. (Ulat ni Carmela Ochoa)