Naungusan ni Lerio, isa sa mainit na pambato ng bansa sa ibabaw ng lona si Frank Delgado, 4-2, habang nalasap ni Barriga ang 2-6 pagkatalo sa mga kamay ni Juan Despaigne sa open-air venue, may dalawang oras na biyahe mula sa Cuban capital ng Havana.
Muling magbabalik sa aksiyon si Lerio sa Biyernes kontra sa isa pang Cuban fighter.
Magsasagawa rin ng kanyang debut sa tournament na ito na idinaraos bilang parangal sa yumaong Cuban heavyweight na nanalo ng ginto sa Barcelona Olympics noong 1992 si Reynaldo Galido kontra sa isa ring Cuban na kalaban.
Ang panalo nina Galido at Lerio ang magsisiguro sa koponan ng dalawang bronze medals. Tumapos ang Philippines na suportado ng Philippine Sports Commission, Pacific Heights at Adidas ng ikalawang puwesto sa Cordova Cardin boxing championships na ginanap noong nakaraang linggo sa Havana.
"We can only look forward in the Balado Cup after that strong finish by our boxers in Cordova. Winning four bronze medals and finishing second behind Cuba is a big accomplishment for the team," wika ni Philippine Amateur Boxing president Manny Lopez sa isang overseas message.
Bukod kina Lerio at Galido, nanalo rin ng bronze sa seven-nation Cordova meet sina Barriga at flyweight Violito Payla na tumanggap ng best bout trophy bunga ng kanyang kahanga-hangang performance kontra sa Atlanta Olympics gold medalist Maikro Romero. Natalo si Payla sa bout sa iskor na 5-14.
Kasama sa biyaheng ito na bahagi ng paghahanda ng koponan kung saan pipiliin ang isasabak sa Kuala Lumpur, Malaysia SEA Games na gaganapin sa Setyembre ay sina lightflyweight Danilo Lerio, featherweight Ramil Zambales, lightwelterweight Romeo Brin at lightmiddleweight Junie Tizon.
"Patuloy ang laban dahil desidido ang buong team. Dito sa Balado ay baka mas maganda ang finish natin," ani ni head coach Gregorio Caliwan.