Lumasap ang 30-anyos na si Galido, isang Navyman ng 4-11 kabiguan sa mga kamay ng Cuban na si Lorenzo Aragon makaraang makakuha ng bye sa first round.
Matapos ang tahimik na opening round, nagpalitan ng matitinding kanan ang dalawang fighters sa second round, ngunit ang karamihang suntok ni Galido ay sa hangin lang tumatama kontra sa kanyang mas mataas na kalaban.
Humakot si Aragon ng mga puntos sa third round may 33 segundo ang nalalabi sa naturang bout, isang right straight ang pinatamaan ng Cubano sa mukha ng Pinoy ang nagpuwersa sa refree na bigyan si Galido ng eight counts. Ginamit rin ng Cubano ang kanyang bentahe sa taas di lamang para umiskor kundi para maiwasan ang mga pakakawalang suntok ng Pinoy.
At dahil sa nakasama na si Galido sa apat na iba pang teammates sa sidelines, ang pokus ngayon ay kina flyweight Violito Payla, bantam Arlan Lerio at lightweight Joel Barriga na sasabak sa aksiyon sa Linggo kontra sa mga mas mahuhusay at paboritong Cuban boxers.
Haharapin ni Payla, ang rookie sa international arena at tumalo sa isa ring Cuban pug sa first round ang Atlanta Olympics flyweight gold medalist at Sydney Olympics lightfly bronze medalist Maikro Romero.
Sasabak naman si Lerio kontra sa 2000 World Youth bantamweight champion Puro Pairol, habang makikipagbasagan naman ng mukha ang 28-anyos na si Barriga sa Sydney Games lightweight champion at 2000 World Championships gold medalist Mario Kindelan.
Hindi na mahalaga kung anuman ang mangyayari sa Linggo para sa Team Philippines na ipinadala rito ng Philippine Sports Commission na may suporta mula sa Pacific Heights at Adidas kundi ang kanilang malaking improvement kumpara sa nakaraang taon na walang nakuhang medalya at limang buwan na lamang idaraos na ang Kuala Lumpur, Malaysia SEA Games.
Tanging dalawang Filipino boxers lamang ang nakapag-uwi ng medalya sa annual event na ito kung saan nagbulsa si lightflyweight Mansueto "Onyok" Velasco ng silver noong 1996 at silver din si Lerio sa flyweight division noong 1998 sa seven-nation event na ito na nilahukan ng apat na koponan mula sa Cuba.
"Lalaban ang mga bata natin pero kahit ano ang mangyari ay maganda na ang pagkakakuha ng medalya dito. Sa mga Cubano lang naman sila mahihirapan dito at ang maganda naman doon ay makakadagdag ito sa experience nila," wika ni head coach George Caliwan na inasistihan nina Nolito Velasco, Alex Arroyo at Daroito Teodoro. "Apat na bronze di na masama."