Naging palaban sa unang bahagi ng labanan ang Singapore, ngunit nang makuha ng RP squad ang kanilang laro, tuluyan na itong kumawala sa huling bahagi ng first half at iwanan ang kalaban.
Nagpasiklab ang Singapore sa unang bahagi ng labanan sa pangunguna nina Wong Soon Yuh at Koh Mang Koon na nagpamalas ng kanilang husay sa triple area ngunit itoy hindi umubra sa eksplosibong performance ni Christian Calaguio.
Pinangunahan ni Calaguio ang RP team sa paghakot ng 24 puntos sa first half pa lamang kung saan pumukol ito ng anim na tres at di na kinailangan pa nitong pumasok sa second half nang tuluyan nang yumukod ang Singapore.
Nang nangangapa pa lamang ang mga Pinoy, umabante ang Singapore ng 10-5 at ang huli ay sa 37-33 ngunit sa pamumuno ni Calaguio na umiskor ng 12 puntos sa ikalawang quarter, ay pinakawalan ng Philippines ang mainit na 17-1 run upang kunin ang 50-37 bentahe bago isinara ng Singapore ang first half sa 40-50.
Hindi na nakaporma pa ang Singaporeans sa ikatlong quarter nang pagtulung-tulungan nina Ruben dela Rosa, Egay Echavez, Eddie Laure ang umaatikabong 33 puntos na produksiyon kontra sa 12 puntos lamang ng kalaban upang isara ang naturang yugto na taglay ang 83-52 pamumuno.
Hindi na nakabangon pa ang Singaporeans sa final quarter sanhi ng kanilang pagkatalo.
Susunod na makakalaban ng Philippines ang Vietnam sa dakong alas-3:30 ng hapon pagkatapos ng sagupaan ng Singapore at Malaysia.
Sa unang laro, dinu-rog naman ng Thailand ang Brunei, 101-37.