Sosyo sa liderato asam ng Montana

Pakikisosyo sa liderato ang aasintahin ng Montana Pawnshop sa kanilang nakatakdang pakikipaglaban sa Hapee Toothpaste ngayon sa pagpapatuloy ng elimination ng 2001 PBL Chairman’s Cup sa Makati Coliseum.

Ikalawang sunod na panalo ang balak na ipinta ng Jewelers sa kanilang nakatakdang alas-2 ng hapong engkuwentro ng Teeth Sparklers para samahan sa itaas ng standings ang pahingang Shark Energy Drinks.

Sa kabilang banda naman, tangka rin ng defending champion Welcoat Paints na makabawi mula sa kanilang unang pagkatalo sa pakikipaglaban kontra Ateneo-Pioneer sa alas-4.

At dahil sa pagkakasama nina Francis Zamora at ex-pro John Lim sa line-up ng Jewelers, inaasahang paborito ito na maipapanalo ang kanilang laban.

Gayunman, di rin dapat pakasiguro ang Montana dahil sa kanilang personal na record, angat sa kanila ang Teeth Sparklers kung saan sa tatlong ulit nilang paghaharap, tatlong beses din silang tinalo nito sa nakaraang kumperensiya.

"Para ngang archrivals ang Montana at Hapee. We have to erase that stigma. Hapee will be a big test for us," wika ng guro na si Leo Isaac.

Samantala, inihayag ng team owner ng Pharmaquick na si Atty. Jimmy Javier ang pagkakakuha kay Omanzie Rodriguez at Bruce Dacia upang palakasin ang kanilang koponan matapos na matalo sa kanilang debut game, 70-85 kontra Giv Soap Masters.

Show comments