PBL Chairman's Cup bubulaga ngayon

Ang lakas ng kabataan ang siyang magiging tampok na tema sa pagbubukas ng hostilidad ng Philippine Basketball League ng kanilang ika-18th season ng 2001 PBL Chairman’s Cup ngayon sa Makati Coliseum.

Isang star-studded "coming out" party ang siyang magbubukas ng magarbong seremonya sa alas-2 ng hapon kung saan sina Rica Peralejo at Mo Twister ang tatayong anchors at ilang celebrities na kinabibilangan nina Geneva Cruz, Maureen Larrazabal, Wency Cornejo at dating Color-It-Red lead singer Cookie Chua ang mga piling panauhin.

Matapos ang tradisyunal na parada ng mga koponan, ipapakita naman ni PBL Commissioner Chino Trinidad kasama si PBL Chairman Dioceldo Sy at ang ilang teamowners ang bagong logo ng PBL bago simulan ang aksiyon.

Agad na makakaliskisan ang tikas ng defending champion Welcoat Paints na sasagupa sa Challenge Cup titlist Shark Energy Drink sa alas-3:30 ng hapon.

Tangka ng Welcoat Paints na muling maibalik ang dating porma na naglagay sa kanila bilang No. 1 team sa PBL sa pagparada ng kanilang intact na line-up na babanderahan nina ex-pro Brixter Encarnacion at ng bagong recruit na si Melvin Mamaclay at Michael Tolentino. (Ulat ni Maribeth Repizo)

Show comments