PBA dadayo sa Bago City

Hangad ng San Miguel Beer na tuluyan nang maipormalisa ang kanilang pagpasok sa quarterfinals ng PBA All-Filipino Cup.

Makakasagupa ngayon ng SMBeer ang mainit na defending champion Alaska Aces sa isang out-of-towm game na gaganapin sa Bago City.

Naudlot ang Beermen sa pagpasok sa susunod na round matapos malasap ang mapait na kabiguan at ito ang kanilang nais isakatuparan sa alas-5 ng hapong pakikipagharap sa Aces sa Bago City Coliseum.

Nasayang ang naipundar na 20 puntos na kalamangan ng San Miguel na unti-unting naupos at na-bigo kontra sa Shell Velocity sa isang overtime game noong Miyerkules, 73-80.

Kung masaklap na kapalaran ang nakaraan ng Beermen, mataas naman ang morale ng Alaska dahil sa kanilang four game winning streak na nais nilang madugtungan upang makalapit sa quarterfinal round.

Bukod sa makapasok sa quarters, tangka rin ng Beermen na muling masolo ang liderato kung saan kasalukuyan nilang kasosyo ang Batang Red Bull at Turbochargers sa 6-3 record.

Ang Aces ay di naman nakakalayo dahil sa taglay na 5-4 panalo-talo tulad ng Barangay Ginebra at Pop Cola Panthers.

Huling tinalo ng Alaska ang Thunder, 76-95 sa Araneta Coliseum noong Marso 11.

Inaasahang muling pangungunahan nina Danny Seigle, Danny Ildefonso, Olsen Racela, Boybits Victioria, Nick Belasco, Robert Duat at iba pa ang Beermen.

Tatapatan naman ito nina Kenneth Duremdes, rookie John Arigo , Rodney Santos, Don Carlos Allado at iba pa ng Aces.

Habang sinusulat ang artikulong ito, kasalukuyang naglalaban ang Mobiline Phone Pals at ang Tanduay Gold Rhum na susun-dan naman ng engkuwentro ng Sta. Lucia at Purefoods TJ Hotdogs bilang main game sa Araneta Coliseum. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments